Pating
Ang patíng ay kabilang sa malaking grupo ng Elasmobranchii. Sa kasalukuyan ay may 8 maliit na grupo na kabilang dito at isa ay ang grupo ng Carcharhinoformes. Matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang grupo ay nakikilala sa pamamagitan ng mahabàng nguso at pagkakaroon ng maliwanag at naaninag na balamban na nagsisilbing proteksiyon sa matá kung may umaatakeng kaaway. May 2 palikpik sa likod, walang tinik, may palikpik sa puwit, may 5 hiwa sa hasang, at walang kalaykay sa hasang.
Ang isang espesye ng pating ay Carcharhinus melanopterus. Ito ay karaniwang makikita sa karagatan at minsan naman ay sa lugar kung saan naghahalò ang tubig alat at tubig tabang na galing sa mga ilog. Ito ay regular na nagpapabalik-balik sa tubig tabang at tubig alat hindi para mangitlog kundi bahagi ito ng kanilang buhay. Ito ay maliit na pating na may maikli at bilugang nguso, bilugang matá, at may maliliit at matutulis na ngipin. Mas malaki ang ikalawang palikpik sa likod at walang galugod. Ang itaas ng katawan ay kulay dilaw at kayumanggi at putî naman sa may ibabâ. May kulay itim o matingkad na kayumanggi sa dulo ng mga palikpik at gilid nitó. Ang tigulang ay may sukat na 91-120 sentimetro samantalang ang pinakamalaking naitalâ ay 200 sentimetro. Ang pinakamabigat ay 13.6 kilo.
Ang patíng ay matatagpuan sa Indo-Pasipiko, mula Red sea at Silangang Aprika hanggang sa mga isla ng Hawaii at Tuamoto Archipelago. Makikita sa dagat na may lalim na 20-75 metro. Malimit ding makita sa mga bahura at bakawan na nakikisabay sa pagtaas at pagbabâ ng tubig. Isda ang pinakagustong pagkain pero kumakain din ng mga krustaseo at pusit. Ang pating ay nanganganak nang buháy.
Puwedeng manganib ang mga nanghuhúli nitó at may mga naibalita na rin na mga mangingisda na kinagat ng patíng. Kadalasang ibinebenta nang sariwa, tuyo, inasnan, pinausukan, o inilagay sa yelo. Ang palikpik ay ipinanghahalò sa sopas, isang paboritong pagkain ng mga Tsino. Ang atay naman ay kilalang pinagkukunan ng langis. May mga pating na inaalagaan din sa akwaryum.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pating "