pasma

Ang pasma ay isang uri ng karamdaman na nakaugat sa pagkawala ng balanse ng init at lamig ng katawan. Ang salitang “pasma” ay Espanyol ngunit sa katutubong konsepto ng mga Filipino, ito ay sakit na hindi pa nalalapatan ng siyentipikong paliwanag hanggang sa kasalukuyan.


Ayon sa matatanda, ang biglaang paglalantad ng pagód o kayâ’y nainitang katawan sa malamig, tulad ng tubig at hangin, ay nakapagdudulot ng pasma. Sa gayong mga pagkakataón daw kasi ay nagugulat ang kalamnan ng katawan na nagdudulot ng paninikip o kayâ’y pag-urong ng mga ugat. Karaniwan umanong palatandaan ng pasma ang labis-labis na pagpapawis ng mga palad at talampakan, di-mapigilang panginginig ng mga kamay at paa, pamamanhid ng mga pasmadong bahagi ng katawan, at paninigas o pamamaga ng mga ugat. May mga panganib sa kalusugan ding iniuugnay sa pasma tulad ng malubhang lagnat at sipon na tumutuloy sa pagpalya o hindi maayos na paggana ng baga at utak. May mga ulat din tungkol sa pasmang dumeretso sa pagkasira ng ugat na nagdulot ng pagkabulag.


Ang mga ito ang dahilan kung bakit nakaugalian ng mga Filipino na imungkahing magpahinga muna bago maligo, maghilamos, o bago pumasok sa isang airconditioned na silid lalo na kung galing ang isang tao sa nakapapagod o kayâ’y mainit na gawain tulad ng pagtatrabaho sa bukid, mahabàng paglalakbay, pag-eehersisyo, pagpaplantsa, pagluluto, at iba pa.


Kung susuriin, malaki ang pagkakahawig nito sa paniniwala ng mga Tsino sa konsepto ng qi o ang mismong enerhiyang bumubuhay sa katawan. Anila, ang pagpapanatili ng qi (maaaring sabihing pagpapanatili ng buhay) ay nakasandig sa pagiging balanse ng yang o init at yin o lamig sa katawan ng tao.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: