On
pandesal

Pandesal


Ang pandesal (mula sa Espanyol na pan de sal, o “tinapay ng asin”) ay tinapay na hugis kamote, karaniwang maliit, at kinakain sa almusal o meryenda. Ito ang pinakatanyag na tinapay sa bansa at mahalagang bahagi ng kulturang Filipino. Tinatawag din itong “Filipino bread roll” sa labas ng bansa.


Ang pinaghalòng arina at tubig ay minamása na hugis baston at inirorolyo sa pinong butil ng tinapay. Pinuputol ang baston bago lutuin sa hurno. Masarap ang pandesal lalo kung mainit at kakagáling lámang sa panaderya. Tradisyonal na isinisilid ito sa supot na gawa sa papel de Manila o supot na gawa sa papel ng diyaryo. Bukod sa mga tindahan, inilalako din ang pandesal sakay ang bisikleta na bumubusina.


Paboritong agahan ng mga Filipino ang pandesal. Nakaugalian itong isabay sa mainit na kape, gatas, tsaa, at tsokolate, at isinasawsaw pa ito. Malinamnam ito may palaman man o wala. Karaniwang ipinapalaman dito ang keso, mantekilya, margarina, peanut butter, chocolate spread, at mga uri ng jam. Ginagawa din itong panghalili sa kanin, lalo sa umaga, at sinasabayan ng ulam na itlog, hotdog, sausage, corned beef, hamon, bacon, tosino, longganisa, at sardinas. Saktong-sakto ito isabay sa malamig (ice cream) man at mainit (tsamporado). Kung tutuusin, tila lahat ay bagay sa pandesal!


Maituturing na pansukat ng pambansang ekonomiya ang presyo at laki ng pandesal. Lumiliit sa panahon ng taghirap, lumalaki sa panahon ng kayamanan. May panahong nauso ang ”hot pandesal,” na maliliit ngunit bagong hangong pandesal mula sa espesyal na lutuan, at sinasabing dahil maliit ay bunga rin iyon ng paghihirap noon. Noong 2008, inilunsad ng Food and Nutrition Research Institute ang “dilaw na pandesal,” bilang tugon sa tumataas na presyo ng puting arina. Hinahaluan ang squash puree ang arina, at nagbibigay pa tuloy ito ng dagdag na nutrisyon. Sa panitikan, ginamit ang pandesal bilang imahen sa kuwentong ”The Bread of Salt” ng Pambansang Alagad ng Sining N.V.M. Gonzalez.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: