Tamang Nutrisyon Para sa Taong May Kapansanan
On Kalusugan
ALAMIN: Tamang Nutrisyon Para sa Taong May KapansananNutrisyon Tips Para Sa Taong May Kapansanan
Ang tamang nutrisyon at paraan ng pamumuhay ay susi sa maayos na kalusugan ng isang taong may kapansanan. Ito ay:
- nagpapanatili ng tamang timbang;
- nagpapalakas ng resistensya laban sa impeksyon;
- nakatutulong upang bumaba ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga karagdagang sakit o komplikasyon; at
- upang mapabuti ang kalidad ng buhay.
Mahalaga:
- Kumunsulta sa nutritionist-dietician at health care professional kung may kondisyon na nakaaapekto sa kakayahan na kumain.
- Ang diyeta ay akma sa kagustuhan, kakayahan, at kondisyon ng taong may kapansanan.
- Sapat na pag-aalaga mula sa pamilya, kaibigan o katuwang sa buhay ay kailangan upang mabigyan ng tamang nutrisyon ang taong may kapansanan.
Nutri-tips
- Gamitin na gabay ang Pinggang Pinoy sa bawat kain. Sundin ang inirerekomendang dami ng bawat grupo ng pagkain para sa balanseng diyeta. Ito ay kailangan para sa malusog na pangangatawan.
- Magplano ng menu ng mga lulutuin sa loob ng isang linggo o ayon sa araw ng pamamalengke. Gumawa ng listahan ng mga sangkap na bibilhin para hindi lumagpas sa budget.
- Pumili ng mga napapanahong prutas at bumili ng mga sariwang sangkap upang makasiguro sa kalidad ng produkto.
- Kasama ang ibang miyembro ng pamilya o kaibigan, subukan ang pagtatanim ng pagkain at pag-aalaga ng hayop upang magkaroon ng sapat na pagkain at dagdag na kita.
- Kung walang ganang kumain, sa halip na tatlong malalaking meals, subukan ang pakonti-konti pero madalas na pagkain. Gumamit ng makukulay na gulay at prutas. Gawing katakam-takam ang bawat hain sa pamamagitan ng pagiging malikhain sa paghahanda.
- Kung nakararanas ng pagtitibi at walang problema sa paglunok, ugaliing uminom ng tubig. Kumonsumo ng pagkaing mataas sa fiber (madadahong gulay, prutas, oats, mais, at plain popcorn). Iwasan ang mga fast food o processed food, pinirito o matataba, matatamis na tinapay at maraming gatas.
Klase ng diet ayon sa Kondisyon:
Regular Diet
- karaniwang uri ng diyeta upang mapanatili ang tamang nutritional status ng isang indibidwal.
- para sa mga taong may kapansanan na walang ipinagbabawal na pagkain at hindi rin nangangailangan ng ibang paraan ng paghahanda.
Bland Diet
- nililimitahan ang mga pagkaing malasa, mamantika, maanghang, mataas sa fiber at mga produktong mula sa gatas upang maiwasan ang iritasyon sa tiyan.
- para sa mga madalas na nakararanas ng pananakit at paghilab ng tiyan, pagsusuka, at pagtatae.
- inirerekomenda: malambot na bahagi ng manok, isda, tokwa, ulam na may sabaw ngunit walang pampalasa, kanin at tinapay na hindi mataas ang taglay na fiber, refined oats, pinakuluan at niligis (mashed) na patatas, karot, kalabasa, at saging.
Soft Diet
- para sa mga hirap ngumuya, may problema sa paghinga at paglunok.
- ginagamitan ng mga sangkap na malambot at madaling matunaw, nililimitahan ang mga pampalasa, mamantika at maanghang na pagkain.
- inirerekomenda: sopas, lugaw, dairy products tulad ng gatas at keso, itlog, malalambot na gulay at prutas, hinimay na manok at isda, tokwa.
- paraan ng paghahanda: pagtadtad sa mga sangkap, paglalaga, pagpapakulo, paggamit ng grater, blender o food processor.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Tamang Nutrisyon Para sa Taong May Kapansanan "