pambansang parkeng rizal


Ang Pambansang Parkeng Rizal, kilalá ding Lunéta, ay isang makasaysayang parke na may lawak na 54 ektarya at nása puso ng Lungsod Maynila. Katabi lámang nitó ang matandang Intramuros. Nása hilagang dulo ito ng Roxas Boulevard, nahahanggahan sa silangan ng Taft Avenue, Padre Burgos Drive, at T.M. Kalaw Avenue, at ng Look Maynila sa kanluran. Nagsimula itong isang nayon sa matubig na lupain sa timog ng moog ng Intramuros at may pangalang Nuevo Barrio o Bagumbayan sa Tagalog noong 1601. Ipinalinis pa ito ng mga Ingles noong 1762 para maiwasan ang biglaang pananalakay ng mga Indio at Espanyol. Ginamit ding pook bitayan ang Bagumbayan. Noong 1820, inukit mula sa nayon ang Paseo de Luneta at naging paboritong pasyalan ng mga nais magpahangin kung umaga’t dapithapon. “Luneta” ito dahil hugis buwang palabà ngunit pinangalanan ding Paseo de Alfonso XII, na hari ng Espanya noong 1874-1885.


Saksi ang Luneta sa ilang pangyayaring historikal. Noong 17 Pebrero 1872 binitay dito sa pamamagitan ng garote ang Gomburza. Dito binitay sa Jose Rizal noong 30 Disyembre 1896 at siyáng dahilan upang opisyal itong pangalanang Rizal Park. Dito rin ipinahayag ang Kasarinlan ng Filipinas mula sa Estados Unidos noong 4 Hulyo 1946. Maraming naganap na pagtitipong pampolitika sa Luneta, bukod sa taunang pagdiriwang dito ng Araw ni Rizal at Araw ng Kasarinlan.


Noong 1901, pinagtibay ng US Philippine Commission ang pagtatayô ng monumento para kay Rizal. Nagdaos ng timpalak na pandaigdig sa disenyo ng monumento. Nagwagi ang disenyo ni Carlos Nicoli ng Italya ngunit ang kontrata sa monumento ay napunta sa ikalawang gantimpalang Swiss na si Richard Kissling. Itinanghal sa madla ang monumento noong 30 Disyembre 1913 sa Luneta. Sa harap nitó ang Independence Flagpole, pinakamataas na tagdan ng watawat sa Filipinas. Nasa di-kalayuan ang Independence Grandstand, disenyo ni Juan Arellano, na ganap na naitayô noong 1949 at simula sa panahon ni Pangulong Elpidio Quirino ay ginagamit sa panunumpa ng mga presidente ng bansa.

Bahagi ng parke ang Agrifina Circle (Teodoro F. Valencia Circle ngayon) na kinalalagyan ng mga gusali ng Kagawaran ng Turismo at ng National Museum of the Filipino People (Kagawaran ng Agrikultura at Kagawaran ng Pananalapi noon). Bahagi ng parke ang mga halamanang Tsino at Hapones, Kilometer Zero na nása harap ng Monumento ni Rizal, Planetarium, orkidaryo, malaking dancing fountain, at nakabukás na awditoryo para sa mga konsiyerto, at ang mga bagong diyorama ng pagbitay kay Rizal, monumentong Lapulapu, at Manila Ocean Park. Nása paligid ang mga gusali ng Pambansang Aklatan, Pambansang Museo (Senado noon), Manila City Hall, Philippine Post Office, at Manila Hotel.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: