Sabat it Katutubo
Sabat it Katutubo: Makabagong Sining sa Makasaysayang Kaganapan (Isang paligsahan sa paggawa ng Digital Poster)
Kalahating milenyo na ang nakalipas nang makamtan ng ating mga ninuno ang Tagumpay sa Mactan, isang mahalagang ikutang pangyayari sa ating Kasaysayan, at patunay ng hangarin ng mga Katutubong Pilipino na salansangin ang mapaniil na bugso ng kolonyalismo.
Sa ating panahon dapat nating sundan ang mga bakas ng ating Kasaysayan upang patuloy na makibaka sa mga banta sa ating kalayaan. Sa pagkakataong ito’y inaanyayahan namin kayo sa panibagong paglalayag upang gunitain ang kadakilaang ipinamalas sa Mactan. Ilahad na ang layag at maglayag tayo gamit ang sining, at sama-samang maglakbay tungo sa isang mas malikhaing pag-unawa at paggunita sa diwa’t kadakilaang ipinunla ng ating mga Katutubo sa ating Kasaysayan.
Kaya ngayong Marso hanggang Mayo, 2021 ay inaanyayahan ang mga mag-aaral, guro, at kawani ng Unibersidad ng Pilipinas na makibahagi sa “Sabat it Katutubo: Makabagong Sining sa Makasaysayang Kaganapan” at ipamalas ang pagkamalikhain sa pamamagitan ng paglikha ng mga Digital Poster na naaayon sa ating tema.
Ang Sabat it Katutubo: Makabagong Sining sa Makasaysayang Kaganapan ay isang paligsahan sa paglikha ng Digital Poster na hatid ng UP Lipunang Pangkasaysayan, UP Kalipunan ng Mag-aaral sa Kasaysayan at UPV Kamaragtas bilang pakikiisa sa UP Quincentennial Commemoration.
Kalakip ng post na ito ay ang mekaniks at alituntunin ng paligsahan.
Ang huling araw ng pagpasa ng Digital Poster ay sa Mayo 31, 2021.
Mekaniks at alituntunin:
1. Ang paligsahan sa paggawa ng Digital Poster ay bukas sa lahat ng mag-aaral, guro, at kawani ng Unibersidad ng Pilipinas.
2. Iikot sa mga katutubong konsepto ang tema ng gagawing poster na naka angkla sa mga tugon ng mga katutubong Pilipino sa pagdating ng mga dayuhang Espanyol.
3. Kinakailangang nakalakip ang katunayan ng awtentisidad (proof of authenticity) sa pagpasa ng gawa upang maipakita na orihinal ito at hindi plagiarized. Mangyaring maglakip ng kopya ng poster na may kasamang watermark kapag magpapasa. Agarang diskwalipikasyon ang kahihinatnan ng sinumang kalahok na mapatunayang hindi orihinal na gawa ang poster.
4. Maaaring gumamit lamang ng mga sumusunod na applications o platforms sa paggawa ng poster:
– Adobe
– Photoshop
– Canva
– Paint
– Microsoft Powerpoint
Kinakailangang ipaalam ng mga kalahok sa lupon ng mga nag-oorganisa kung mayroon man silang ibang editing software na nais gamitin bukod sa mga nabanggit.
5. Hindi dapat bababa sa 11 X 17 in. at hindi naman dapat lalagpas sa 24 X 36 in. ang laki ng poster. Mainam na patayo o portrait ang oryentasyon ng poster.
6. Maaaring isumite ang mga likha sa sabatitkatutubo2021@gmail.com. Sundin ang sumusunod na pormat ng pagpasa:
– Subject line: Sabat it Katutubo Entry [First Name Surname – Constituent University]
a. Hal. Sabat it Katutubo Entry [Juan dela Cruz – UP Manila]
– File name: Sabat_it_Katutubo_Surname_Abbreviation ng Constituent University
b. Hal. Sabat_it_Katutubo_dela Cruz_UPM
– File format: PNG o TIFF
7. Kinakailangam maglakip sa mensahe sa e-mail ng isang talata na masusing nilalarawan ang likhang poster. Hindi dapat lalagpas ang paliwanag ng 300 salita.
8. Magkakaroon ng birtuwal na seremonya ng paggawad ng gantimpala sa mga nanalo sa kumpetisyon. Inaanyayahan ang lahat ng mga kalahok na dumalo rito.
9. Itatampok din ang lahat ng mga obra ng mga lumahok sa isang birtuwal na eksibit na ibabahagi sa lahat ng mga social media platforms ng unibersidad.
Pinagmulan: @upsystem
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sabat it Katutubo "