On
Mga dapat gawin kung ikaw ay naaresto

Tandaan na ang mga naaresto o mga akusadong under arrest ay may mga karapatan na dapat galangin ng mga awtoridad.


Dapat mayroon pa ring paggalang sa dignidad ng isang indibidwal, kabilang dito ang siguraduhing hindi sila makakaranas ng torture o anumang ‘di makataong pagtrato.


Ang sapat na kaalaman ay mahalagang depensa para mapangalagaan ang iyong karapatan at dignidad lalo na kapag nahaharap sa mga kritikal na sitwasyon katulad ng pagkaaresto.


Alamin sa sumusunod ang iyong mga karapatan, mga mahahalagang kaalaman, at mga patnubay kapag ikaw o ang iyong kaanak ay naaresto.


1. Dapat ipaalam at ipaintindi sa iyo ng opisyal na umaresto ang dahilan ng akusasyon laban sa iyo;


2. Dapat ipabasa sa iyo upang mapag-aralang maigi ang kopya ng warrant of arrest;


3. Habang iniimbistigahan, maaari kang magsawalang-kibo o tumahimik, magkaroon ng abogado na may sapat na kakayanan at mas maigi kung ikaw mismo ang pumili sa kanya;


4. Makipag-ugnayan sa iyong abogado at ipagbigay-alam sa iyong kamag-anak ang iyong lugar at kalagayan;


5. Karapatan mong hindi isailalim sa torture, gamitan ng dahas, pananakot, pagbabanta, o ano pa mang paraan na handlang sa iyong malayang pagpapasya.


6. Ang mga lihim na kulungan, solitary confinement, pagiging inkomunikado o iba pang katulad na mga anyo ng detensyon ay ipinagbabawal ng batas.


7. Hindi dapat tanggaping ebidensya laban sa iyo ang ano mang pagtatapat o pag-amin na pwersahan at labag sa iyong kalooban.


8. Sumailalim sa independiyenteng pagsusuri o atensyong medikal ng isang doktor o kung wala ay isang doktor mula sa pampublikong ospital na malapit sa lugar, bago ka palayain o ilipat ng kulungan;


9. Nakasaad sa batas ang karapatang magpyansa. Pero ang karapatang ito ay hindi matatamasa sa lahat ng pagkakataon at maaari itong hadlangan sa pamamagitan ng utos ng hukuman:


a. sa mga taong nahahabla sa mga paglabag na pinaparusahan ng reclusion perpetua; at
b. kapag matibay ang ebidensya ng pagkakasala laban sa taong nahahabla ayon sa pagsusuri at pag-uutos ng hukom.


10. Dagdag dito, ayon sa Artikulo III, Seksyon 13 ng Saligang Batas, hindi dapat pigilin ang karapatan sa pyansa kahit na suspindido ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus at ipinagbabawal ang malabis na pyansa.


11.Ang paglaya sa pamamagitan ng pyansa ay hindi hadlang upang kwestyunin ang ligalidad mismo ng arrest warrant.


12. Subalit dapat gawin mo ito sa harap ng hukuman bago ang arraignment, o ang pagbasa sa mga reklamo laban sa iyo.


Pinagmulan: Commission on Human Rights Philippines @chrgovph


Mungkahing Basahin: