Juan Cailles
Si Juan Cailles (Hu·wán Ka·íl·yes) ay isang guro, politiko, at pinuno ng mga Filipino noong Himagsikang 1896 at noong Digmaang Filipino-Amerikano.
Isinilang siya noong 10 Nobyembre 1871 sa Nasugbu, Batangas kina Hippolyte Cailles, isang Pranses, at Maria Kauppama. Ikaanim siya sa pitong magkakapatid.
Ang una niyang edukasyon ay sa bahay ni Ovidio Caballero. Nagtapos siya sa Escuela Normal na pinatatakbo noon ng mga Heswita sa Maynila. Naging guro siya nang limang taon sa pampublikong paaralan sa Amaya, Tanza at sa Rosario, Cavite.
Nag-organisa siya ng puwersa na kinabibilangan ng mga ama ng kaniyang mga estudyante noong nagsisimula ang rebolusyon. Para sa kanila, nanatili siya bilang Maestrong Cailles, kahit sa sunod-sunod niyang promosyon sa militar.
Naging bahagi siya ng maraming engkuwentro laban sa mga Espanyol, tulad ng engkuwentro na nagresulta ng kamatayan ng kaniyang mga nakatataas na sina Hen. Candido Tria Tirona, Edilberto Evangelista, at Crispulo Aguinaldo.
Noong 17 Setyembre 1900, nanalo ang grupo ni Cailles sa Mabitac, Laguna laban kay Colonel Cheetham. Pinayagan niya si Cheetham na kuhanin ang mga katawan ng walong sundalong Amerikano kasáma ang kanilang mga personal na gamit. Isang salungat na halimbawa ito sa ginawang masamang trato ng mga Amerikano sa bangkay ni Hen. Gregorio del Pilar sa Pasong Tirad noong 2 Disyembre 1899.
Matapos maglingkod bilang pansamantalang hepe ng mga operasyon sa unang sona ng Maynila noong Digmaang Filipino-Amerikano, ginawa siyang gobernador militar ng Laguna at Tayabas. Ang pagkakadakip kay Aguinaldo sa Palanan, Isabela noong 23 Marso 1901 ay nagkumbinse sa kaniya na sumuko sa mga Amerikano noong 20 Hunyo 1901.
Naging gobernador siya ng Laguna mula 1901 hanggang 1910, at 1916 hanggang 1925. Naging representante naman siya ng Mountain Province sa Philippine Assembly noong 1925-1928. Noong 1931-1934 ay naging gobernador siyang muli ng Laguna.
Noong 2 Mayo 1935 at mag-alsa ang Sakdal, nagawa niyang pigilan ang mga ito dahil sa kaniyang administratibo at rebolusyonaryong karanasan. Nahuli rin niya ang kilaláng Kilabot ng Sierra Madre na si Teodoro Asedillo.
Namatay siya noong 21 Hunyo 1951 sa sakit sa puso.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Juan Cailles "