On
Ano ang Halea o Halaya?


Ang halea, mula sa Espanyol na jalea at tinatawag ding halaya, ay isang popular na panghimagas ng mga Filipino at kadalasang inihahanda tuwing Pasko, pista, at iba pang mahahalagang okasyon.


Isa din ito sa mga pangunahing sangkap ng haluhalo. Ang ordinaryong preparasyon mismo ng halea ay tila panggagaya ng jalea ng Espanya o ng tinatawag na jam sa Ingles.


Ito ay pangkaraniwan nasasangkapan ng ube, gatas na kondensada, banilya at mantekilya. Minsan, ginagamit rin ang kalabasa o kukurbita bilang kapalit ng ube. Sa ibang lugar, ginagamit naman ang gata ng niyog, gatas na ebaporada, at asukal bilang kapalit sa gatas na kondensada.


Simple at mabilis lang ang pagluluto ng halea ngunit nangangailangan ng pisikal na lakas dahil sa tuloy-tuloy na paghahalo nito kapag iniluluto.


Sa isang malaking kawali, unang inilalagay ang mantekilya hanggang sa matunaw sa mahinang apoy. Habang patuloy ang paghahalo, kasunod namang idinadagdag ang gatas na kondensada at banilya.


PanghulĂ­ ang paglalagay ng nagadgad na nilabong ube. Hanggang sa puntong ito, kailangang tuloy-tuloy ang paghalo sa halea sa mahinang apoy sa loob ng 20-25 minuto hanggang sa lumapot ito at magkaroon ng makapal na testura upang maiwasan ang pamumuo.


Kapag naluto ang halea (halaya), maaari na itong ilagay sa molde na may mantekilya upang maiwasang dumikit sa lalagyan. Maaari muna itong palamigin sa reprehidura nang dalawang oras bago tuluyang ihanda.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: