Sino si Genoveva Edroza Matute?


Si Genoveva Edroza-Matute (He·no·bé·ba Ed·ró·za Ma·tú·te) ay isang kilalang kuwentista, mananaysay, at guro sa Filipino.


Isinilang siya sa Maynila noong 3 Enero 1915 kina Anastacio Edroza at Maria Magdalena Dizon. Naging asawa si Epifanio Gar. Matute, ang lumikha ng sikat na programa sa radyo at serye sa telebisyon na Kuwentong Kutsero noong dekada 50.


Nag-aral siya sa Manila North High School (ngayon ay Arellano High School), Philippine Normal School (PNS), Philippine Normal College (PNC na Philippine Normal University ngayon), at University of Santo Tomas.


Nagturo siya nang 46 taon sa mga eskuwelahang Cecilio Apostol Elementary School at Arellano High School, at naging tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino sa PNC.


Ang ilan sa mga kinatha niyang maikling kuwento ay “Leave-taking” at “Land of the Bitter” na nailathala sa Manila Post Sunday Magazine at sa Manila Post Monthly.


Ngunit higit siyang kinagiliwan sa kaniyang mga kuwentong nagsusui sa sikolohiya ng bata at hinggil sa karanasan ng guro, gaya ng “Walong Taong Gulang,” “Noche Buena,” “Kuwento ni Mabuti,” at “Paglalayag sa Puso ng Isang Bata.”


Nailathala ang kaniyang antolohiya ng maiikling kuwento at sanaysay sa Ako’y Isang Tinig noong 1952; ang ilan pang sumunod na koleksiyon ay nasa Piling Mga Maiikling Kuwento 1939-1992, Sa Anino ng EDSA at Iba Pang Mga Kuwento, at Tinig ng Damdamin. Nakapaglathala din siya kasama ng kaniyang asawa sa Mga Pagpapahalagang Pilipino sa Mga Akda: Mga Kuwento, Mga Sanaysay, Mga Dula noong 1992.


Nakapagsulat siya ng apat na textbooks bilang awtor at 25 na textbooks bilang co-author, maraming sanaysay, monograp sa panitikan at edukasyon, at artikulo para sa mga magasin para sa mga guro. Ilan sa mga ito ang Piling Maikling Katha ng Huling 50 Taon; Pilipino sa Bagong Panahon kasama si Paz Belvez at Corazon Kabigting; bagong edisyon ng Panitikan sa Pilipinas kasama sina Jose Villa Panganiban at Corazon Torres Panganiban; at 15 Piling Sanaysay.


Kinilala ang husay ng kaniyang pagsusulat at dedikasyon sa pagtuturo ng mga timpalak ng Don Carlos Palanca Memorial Awards 1950s-1960s, Outstanding PNS-PNC Alumna Award noong 1966, Patnubay ng Sining at Kalinangan Award ng Maynila noong 1967; Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas noong 1988; at Gawad CCP Para sa Sining noong 1992.


Namatay siya sa edad na 94 noong 21 Marso 2009 habang natutulog. Inilibing siya sa Manila North Cemetery.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: