Federico Caballero
Ipinagkaloob kay Federico Caballero (Fe·de·rí·ko Ka·bal·yé·ro) ng Calinog, Iloilo ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taong 2000 dahil sa kaniyang pagsusumikap na mapanatili ang mga paniniwala, tradisyon, at panitikang Panay-Bukidnon sa pamamagitan ng paghimok sa mga mananaliksik at tagapagtaguyod ng kultura na isulat ang mga ito upang maituro sa mga nakababatang miyembro ng kanilang komunidad.
Sampu ang pangunahing epikong-bayan ng Gitnang Panay na tinatangkang isalba ni Caballero. Kabilang dito ang Humadapnon at Labaw Dunggon na binibigkas sa wikang Ligboc, ang lengguwaheng nalalapit sa Kinaray-a ngunit hindi na ginagamit.
Ang mga epikong-bayan ang nagsilbing pampatulog nilang magkakapatid habang lumalaki. Tuwing gabi, inaawit ng kanilang ina o ng kanilang lola sa talampakan na si Anggoy Omil ang mga epiko ng kanilang mga ninuno. Sa kanilang magkakapatid, tanging siya ang nagpatuloy sa pagpapalaganap ng kanilang panitikan.
Sa kasalukuyan, nagtatrabaho bilang kawani ng Bureau of Nonformal Education si Caballero. Dumadalaw siya sa iba’t ibang barangay at hinihikayat ang mga nakatatandang mag-aral na magsulat at magbasá.
Bagaman kinikilala siyá bílang isang manughusay o tagapamagitan sa mga hidwaan at isang bantugan o iginagálang na indibidwal sa kanilang komunidad, hindi pa rin madali para sa kaniya ang himukin ang mga nakatatanda.
Sa kabila nitó, ipinaaalala pa rin niya ang tungkulin ng kanilang henerasyon na isalin sa mga nakababatàng miyembro ng komunidad ang panitikan at kulturang ipinamana rin sa kanila ng kanilang mga ninuno.
Nagbubunga naman ang kaniyang mga pagsisikap. Bukod sa mga iskolar, akademiko, at mga tagapagtaguyod ng kultura, kinikilala na rin ng kaniyang pamilya, lalo na ng kaniyang tatlong anak ang kagandahan at kahalagahan ng isinusulong niyang adhikain.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Federico Caballero "