On
Ang “Dandansoy” ay isang awiting-bayan sa Kabisayaan partikular na sa isla ng Panay. Ang awiting ito ay nasa wikang Hiligaynon. May apat na saknong na tig-aapat na taludtod ang kanta. May bilang na walo (8) at siyam (9) na pantig ang bawat linya.


Inukukuwento ng kanta ang pamamaalam kay Dandansoy ng kasintahan na uuwi sa Payaw. Gayunman binibigyan ng babae si Dandansoy ng pagkakataon upang patunayan kung wagas ang pag-ibig. Nasa unang saknong ang pamamaalam at pagbibilin kay Dandansoy na kung ito ay mangulila o ‘hidlawon’ ay maaari siyang makita sa Payaw.


Dandansoy, bayaan ta ikaw,


Pauli ako sa Payaw


Ugaling kung ikaw hidlawon


Ang Payaw, imo lang lantawon.


Sa pangalawang saknong, binabalaan ng mang-aawit si Dandansoy na kung ito ay susunod (“apason”), huwag magbabaon ng tubig. Subalit kung ito ay mauuhaw, sa daan ay may maiinumang balon (“magbubon-bubon”). Ang mga saknong ay may tugmang aabb bbbb cccc dddd.


Dandansoy, kung imo apason


Bisan tubig di magbalon


Ugaling kung ikaw uhawon


Sa dalan magbubon-bubon.


Sa pangatlong saknong, itinatanong kung nasaan ang kura sa kumbento at nasaan ang hustisya sa munisipyo dahil magsasampa ng kaso (“maqueja”) si Dandansoy, kaso sa pag-ibig.


Convento, diin ang cura?


Municipio, diin justicia?


Yari si dansoy maqueja.


Maqueja sa paghigugma.


Sa hulíng saknong, sinasabi ng mang-aawit kay Dandansoy na dalhin ang kaniyang panyo upang maikompara (“tambihon”) nitó sa kanyang sariling panyo. Kapag nagkatugma ang mga panyo, ang ibig sabhinin ay bana nitó si Dandansoy. Bilang awiting-bayan, walang kinikilálang sumulat sa kanta at wala ring kinikilálang mang-aawit, ngunit inawit na ng mga sikat ng mang-aawit gaya nina Nora Aunor at si Pilita Corales. Itinuturing din itong isang ili-ili o panghele sa batà upang makatulog.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: