Dambana ng Kagitingan
Naging tagpo ang Bundok Samat ng Labanang Bataan, ang pinakamadugong yugto ng pananakop ng hukbong Hapones sa Filipinas at mahigit sandaang libong sundalong Filipino at Amerikano ang namatay.
Sinimulan ang paggawa sa dambana noong 1966 at natapos noong 1970. May lawak itong 73,665 ektarya at nagtatampok ng Colonnade at Memorial Cross. Ang kolonado ay may tuktok na yari sa marmol. Sa gitna nito ay isang altar, at sa likod ng altar ay tatlong stained glass mural na idinisenyo ni Cenon Rivera at ginawa ng Italyanong si Vetrate D’Arte Giuliani. Matatagpuan sa labas ng kolonado ang 19 lilok ng Pambansang Alagad ng Sining Napoleon Abueva.
Ang Memorial Cross naman ay itinirik sa pinakamataas na pook sa bundok, sa taas na 555 metro mula sa nibel ng dagat. Ang krus ay yari sa asero, kongkreto, at marmol. May taas itong 92 metro, habàng 27 metro, at kapal na 5.5 metro. Matatagpuan sa balat nitó ang eskultura ni Abueva na pinamagatang Nabiag na Bato at naglalarawan sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan, tulad ng pagbitay kay Jose Rizal at laban ni Lapu-lapu. Mayroong elebeytor sa loob ng krus na nag-aakyat ng mga bisita sa viewing gallery sa mga balikat ng krus.
Matatanaw mula sa dambana ang kalakhan ng lalawigan ng Bataan, ang isla ng Corregidor, at ang Kamaynilaan sa maaliwalas na panahon. Idinadaos sa dambana ang taunang seremonya para sa Araw ng Kagitingan tuwing ikasiyam ng Abril, at magkakasama sa paggunita ang mga beterano ng digmaan at kanilang kaanak, mga kinatawan ng Estados Unidos at bansang Japan, mga pinuno ng pamahalaan ng Pilipinas, at mga kabataaang Filipino.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Dambana ng Kagitingan "