Alejandro R. Roces
Ang kaniyang maikling kuwento na “We Filipinos are Mild Drinkers” ay nagwagi ng unang gantimpala sa timpalak sa pagsulat ng maikling kuwento ng University of Arizona. Isa siyang manunulat na komiko at kinilala siyang ganito dahil sa kaniyang mga akda sa Of Cocks and Kites (1959) at Something to Crow About (2005). Nilaman naman ng kaniyang Fiesta (1980) ang mga pistang Filipino.
Nagsimulang lumabas noong dekada 1950 ang kaniyang pitak sa peryodiko na tinawag niyang “Roses and Thorns” sa pahayagang Daily Mirror at nagpatuloy sa Manila Times at sa Philippine Star.
Naging Kalihim ng Edukasyon siya sa ilalim ng administrasyon ng Pangulo Diosdado Macapagal, pangulo ng Manila Bulletin, at tagapangulo ng Lupon sa Review at Klasipikasyon ng Pelikula at Telebisyon. Nagkamit siya ng Tanging Parangal ng Gawad Sentrong Pangkultura ng Pilipinas Para sa Sining (1990); Gawad Patnubay ng Sining at Kalinangan ng Lungsod Maynila (1970) at Gawad Diwa ng Lahi (1988); Gawad Rizal Pro Patria.
Siya ay isinilang noong 13 Hulyo 1924 kina Rafael Roces and Inocencia Reyes. Siyam silang lalaking magkakapatid, at siya ang ikanim. Nanirahan sila sa Sta Cruz, Maynila sa panulukan ng Oroquieta at Zurbaran.
Si Irene Viola ang kaniyang napangasawa, apo ni Maximo Viola na naglimbag ng nobelang Noli me tangere sa Alemanya. Sila’y nagkaroon ng isang anak na si Elizabeth.
Nagtapos siya ng elementarya at hay-iskul sa Ateneo de Manila University, ng Batsilyer sa Sining sa Literatura sa State University of Arizona, at ng master sa Far Eastern University na pinaglingkuran niya bilang propesor at dekano ng Instituto ng Sining at Letra.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Alejandro R. Roces "