Ano ang tinalak?


Ang tinalak ay isang uri ng telang gawa sa himaymay ng abaka. Ito ay ekslusibong hinahabi ng mga Tiboli sa Timog Cotabato at Mindanao at isa sa maituturing na tampok na habing gumagamit ng abaka sa buong mundo.


Ang tinalak ay hindi lamang isang ordinaryong tela para sa mga Tiboli. Ito ay nagsisilbing simbolo ng katayuan ng isang Tiboli sa lipunan at ginagamit na simbolo ng kanilang mainit na pagtanggap sa sinumang panauhin.


Gumagamit ang mga Tiboli ng isang tina na nagmula sa mga gulay at mga natural na kulay mula sa mga kahoy upang ipangkulay sa tela. Malimit na ginagamit ang mga kulay na pula at itim.


Ang kulay na pula ay sumisimbolo sa katapangan, pag-ibig, at pangako samantalang ang kulay itim ay sumisimbolo ng kahirapan, pakikipaglaban, at tiyaga.


Ang mga disenyo ng tela ay iba-iba at walang katulad. Walang anumang disenyo na sinusunod ang mga Tiboli. Bago maghabi, wala rin silang iginuguhit na anumang disenyong susundin. Pinaniniwalaan nilang ang disenyo ng kanilang tinalak ay ayon sa mga disenyong napanaginipan nila at kanilang namana mula sa kanilang mga ninuno.


May mga ritwal din at pamahiin kaugnay ng tinalak. Halimbawa, ipinagbabawal sa mga babaeng manghahabi ang pakikipagniig sa kanilang mga asawa bago humabi. Ipinagbabawal ding humabi nito ang sinumang may buwanang dalaw. Pinaniniwalaang makaaapekto ang mga ito sa kalidad at disenyo ng tinalak. Ginagamit din itong pantakip para sa ligtas na panganganak.


Mahalagang kayamanan ang kaalaman sa paghahabi ng tinalak para sa mga babae. Ang tela mismo ay itinuturing na mahalagang kayamanan ng pamilya at ipinamamana sa araw ng mga kasal.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: