On
Isang makabagong putahe ang tapsilog. Ngunit naging napakapopular ito dahil tunay na nakabubusog na almusal sa napakamurang halaga. Mamahalin pa ang lasa dahil sa kombinasyon ng tapa, sinangag, at estrelyadong itlog at siya mismong pinaghanguan ng pangalan nito: tap (mula sa tapang karne ng baboy) + si (mula sa sinangag)+ log (mula sa itlog). Malimit na may kasama itong atsarang kinudkod na hilaw na papaya.


Nagmula ito, ayon sa isang ulat, noong 1983 sa isang maliit na kainan, ang Sinangag Plaza, sa gilid ng Ermita Food Plaza sa kalye Adriatico, Malate, Maynila.


Ang orihinal na pangalan nitó’y tapa-sinangag-itlog pero nahirapan ang tagasilbi kaya lumitaw ang pinaikling alyas. Noong 1984, nag-isip ang pangasiwaan ng SM Food Court ng pagkaing masarap pero mura. May nagmungkahi ng goto na may tokwa’t baboy at dito isinilang ang Goto King. Pero dahil kailangan pa ang ibang putahe ay ipinasok ang tápsilóg sa listahan ng ipinagmalaking “Pinoy Deli Meals.”


Ngayon, nadagdagan din ang tapsilog ng ibang kombinasyon, gaya ng losilog (longganisa-sinangag-itlog), bangsilog (bangus-sinangag-itlog), dangsilog (danggit-sinangag-itlog), cornsilog (corned beef-sinangag-itlog). May ulat din na ang Sinangag Plaza ay naging Sinangag Pa Rin.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr


Mungkahing Basahin: