Ginamit ang Tapayang Manunggul sa pangalawang paglilibing. Ang sekundaryong paglilibing ay ginagawa sa pamamagitan ng paglilipat ng labí ng namatay mula sa orihinal na kinalalagyan nito patungo sa bago. Ito ang dahilan kung bakit noong natagpuan ang tapayan noong 1962 sa kuweba ng Manunggul sa Lipuun Point, Palawan ay mga buto ng yumao ang laman nito.


Sinasabing napakahusay na likhang-sining ng Tapayang Manunggul at halimbawa ng katutubong kamalayan tungkol sa kabilang-buhay.


May mga disenyong kurba sa balikat nito malapit sa bibig na animo’y alon na pininturahan ng hematayt kaya kulay pula. Ang takip ay may nililok namang pigura ng bangka na may lulang dalawang tao. May nakaukit na mukhang may mata, ilong, at bibig sa harapan ng bangka na disenyo ng mga tradisyonal na sasakyang pandagat sa Sulu, Borneo, at Malaysia hanggang sa kasalukuyan.


Nasa unahan ng dalawang sakay ang tao na nakatiklop ng paekis ang dalawang kamay sa dibdib. Isa itong kaugaliang Filipino ng pagsasaayos ng bangkay. Nasa likuran naman ang bangkero na sumasagwan. Pinaniniwalaang inihahatid nito ang kaluluwa ng yumao.


Kung susuriin ang mga pigura, pareho silang may tali sa ulo, isang katutubong kaugaliang bahagi ng paglilibing. Nakalarawan sa takip ang paniniwala ng mga katutubong Filipino tungkol sa daigdig ng mga kaluluwa at sa kamatayan. Karaniwan nang inilalarawan ang paglalakbay sa tubig bilang pamamaraan upang makarating sa kabilâng-buhay. Ginamit sa gayon ang tapayan bilang sisidlan ng labí ng yumao at bilang palamuti sa magiging tirahan niya sa kabilang mundo.


Ang pottery o paggawa ng palayok, banga, at tapayan mula sa luad ay isang malaganap at sinaunang sining sa buong Pilipinas. Itinuturing na Pambansang Kayamanang Pangkultura ang Tapayang Manunggul.


Pinagmulan: NCCA Official


Mungkahing Basahin: