Tadek
Ang tadek ang pangkalahatang tawag sa sayaw ng lahat ng katutubong pangkatin sa Bulubunduking Cordillera, lalo na ng mga Tinggian/Itneg, Bontok, at Ibaloy.
Isinasayaw ito sa mga pagdiriwang na tulad ng anihan, kasal, kapanganakan, pagtigil ng alitan, matagumpay na paglalakbay, paggunita sa mga nakaraang mahahalagang pangyayari, at bilang pagsuyo ng lalaki sa babae.
Natatapos ang sayaw sa paglalapit ng dalawang mananayaw sa isa’t isa, pagyuko, at pagbubuklod ng mga kamay.
Bilang halimbawa, sa mga Tinggian/Itneg ng Abra, umiindak ang mga mananayaw sa saliw ng gong (gangsa), ipinapalakpak na kamay, tinutugtog ang plawta, o pinag-uumpog ang kawayan.
Isinasayaw ito sa mga okasyong tulad ng kasal at libing. Malimit na kasama ang tadek sa isang mas mahabang seremonya at pagtatanghal na kinalalahukan ng buong komunidad at may kasamang ritwal at awitan, tulad ng pag-awit ng salidummay.
Sa isang kasalan, sinasagisag ng pagsasayaw ng tadek ang masayáng pagsasama ng bagong mag-asawa, at ang pagkakaunawaan ng pares at ng kanilang mga magulang. Sa isang libing, sinasagisag ng pagsasayaw ang pagtatanggal ng lungkot at pagluluksa.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Tadek "