Sino si Servando Castro?


Isang delegado sa kumbensiyon ng 1935 Konstitusyon at ikalawang Obispo Supremo ng Simbahang Independiyente ng Filipinas, isinilang si Servando Castro (Ser·ván·do Kás·tro) noong 23 Oktubre 1861 sa Batac, Ilocos Norte kina Celedonio Castro at Lucia Guatlo.


Nagtapos siya ng pilosopiya at teolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas ngunit sa seminaryo ng Vigan niya tinapos noong 1890 ang teolohiya.


Naging pari siya sa taon ding iyon at naglingkod na guro sa seminaryo bago nadestino sa Nueva Segovia. May 12 taon siyang paring Katoliko. Sumama si Servando sa Simbahang Independiyente ng Filipinas nang itatag ito ni Gregorio Aglipay noong 1902.


Naging gobernador eklesiyastiko siyá ng Laguna, saka nadestinong Obispo ng Rehiyong Ilocos. Nang maglakbay si Aglipay sa Estados Unidos noong 1931, nahirang siyang nanunungkulang Obispo Supremo.


Noong 1934, nahalal siyáng kinatawan ng Ilocos Norte sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Naging aktibo siyá sa mga usapin hinggil sa edukasyong pampubliko at sa mga tungkulin ng mamamayan.


Noong Setyembre 1940, pagkamatay ni Aglipay, muli siyang nanungkulang Obispo Supremo. Kumandidato siyá nang ihayag ang eleksiyon para sa naturang tungkulin, ngunit umatras nang maisip ang kaniyang gulang na 79 taon.


Gayunman, pinarangalan siyang Obispo Maximo Emeritus y Decano de los Obispos dahil sa kaniyang matagal at matapat na paglilingkod sa simbahan.


Namatay siya noong 6 Disyembre 1946.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr