Sino si Salinta B. Monon?


Para sa pagpapanatili ng kaakuhan at kasiningan ng mga Bagobo sa pamamagitan ng patuloy niyang paghahabi ng kanilang tradisyonal na telang tinatawag na inabal, nang ang sining na ito ay nanganganib nang maglaho, pinarangalan ng Gawad Manlilikha ng Bayan si Salínta B. Mónon ng Bansalan, Davao del Sur noong taong 1998.


Tinagurian siyang pinakahuling tagahabing Bagobo dahil patuloy na naglalaho ang mga katulad niyang gumagawa ng sining na ito. Kinikilala ang kaniyang mga likha dahil sa mataas na kalidad at komplikado nitong mga disenyo. Dala ng kahusayang ito ang kaalaman niyang hindi pa napapantayan ng sinuman. Sinasabing tanging sulyap ang kailangan ni Salinta Monon upang mabatid ang klase ng disenyo at ang identidad ng humabi ng inabal.


Matagal at komplikado ang sining na ito, kahit para sa isang katulad ni Salinta Monon. Inaabot siya ng tatlo hanggang apat na buwan bago matapos ang telang may sukat na 3.5 metro x 42 sentimetro o katumbas ng isang paldang yari sa abaka. Sa kabila nito at sa presyong siya na mismo ang nagnagtatakda, hindi nawawalan ng mga nais bumili ng kaniyang mga likha.


Isinilang noong 19 Disyembre 1920, maaga siyang natutong humabi. Sa murang edad na 12, hiniling na niya sa inang si Saray Barra na ituro sa kaniya ang sining ng kanilang mga ninuno. Mula noon, ginugol na niya ang buhay sa paghahabi. Hindi naging hadlang ang pag-aasawa sa kaniyang sining. Sa mga pagkakataong kailangan niyang tapusin ang isang produkto, hindi muna siya nakikihalubilo sa kaniyang pamilya. Nang pumanaw ang kaniyang asawa, naiwan sa kaniya at sa lima nilang anak ang lupang sinasaka nito. Ito at ang kinikita niya sa paghahabi ang kanilang ikinabuhay.


Kaakibat ng pagkilalang kaniyang tinanggap ang responsabilidad na isalin ang kaniyang kaalaman sa ibang miyembro ng kaniyang komunidad. Pumanaw si Salinta Monon sa edad na 91 noong 4 Hunyo 2009.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: