Sino si Onofre D. Corpuz?


Pambansang Alagad ng Agham, kinikilala si Onofre D. Corpuz (O·nóf·re Di Kór·pus) sa kaniyang makabuluhang ambag sa larangan ng ekonomiyang pampolitika, historyograpiya, agham panlipunan, at at pampublikong pamamahala.


Siya ang may-akda ng librong An Economic History of the Philippines na naging batayang sanggunian sa pag-aaral ng ebolusyon ng ekonomiya ng bansa at pag-usbong ng makabagong lipunang Filipino.


Nagsilbi si Corpuz bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon at pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Dahil sa lalim ng impluwensiya niya sa larangan ng agham panlipunan at pag-aaral ng kasaysayan ng Filipinas, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 2004.


Kabilang sa kaniyang natatanging mga akda ang The Roots of Filipino Nation, Saga and Triumph: The Filipino Revolution Against Spain, The Events of 1872, at ang The Bureaucracy in the Philippines: Studies in Public Administration.


Ang mga sulating ito ay nagpalawak ng kaalaman ng mga Filipino at nagpalalim sa pag-unawa ng kakayahan ng Filipinas bilang nagsasariling lipunan.


Bilang administrador sa Kagawaran ng Edukasyon at sa UP, nag-ambag din si Corpuz sa pagpapaunlad ng pampublikong pamamahala. Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, itinalaga ang UP Manila at UP Visayas bilang mga nagsasariling yunit.


Naitatag rin sa panahon ng kaniyang panunungkulan ang Asian Institute of Tourism, Third World Studies Center, Creative Writing Center, National Engineering Center, UP Extension Program in San Fernando, at ang National Center for Transportation Studies.


Isinilang si Corpuz noong 1 Disyembre 1926 sa Camiling, Tarlac.


Nagtapos siya ng Batsilyer sa Arte sa UP noong 1950 at Master sa Arte sa University of Illinois noong 1953. Nag-aral siya ng Master sa Pampublikong Pangangasiwa sa Harvard University at nakapagtapos noong 1955. Sa Harvard niya rin tinapos ang doktorado sa Ekonomiyang Pampolitika at Pamamahala noong 1956. Ginawaran siya ng doktorado ng Royal Chulalongkorn University (honoris causa) noong 1976 at Doktorado sa Batas (honoris causa) sa UP Diliman noong 27 Enero 2004.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: