Sino si Benedicto R. Cabrera (Bencab)?


Itinanghal si Benedicto R. Cabrera (be·ne·dík·to ka·bré·ra) na Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 2006. Mas kilala siya bilang Bencab na siya ring lumilitaw na lagda sa kaniyang mga pintura.


Natatangi ang kaniyang sining sa larangang ng pinturang Filipino dahil sa pagbibigay niya ng diin sa pagguhit kaysa kulay. Kinakatawan ng mga pintor na sina Leonardo da Vinci at Michelangelo ng Italya ang ganitong estilo ng pagpipinta.


Ang Filipino, noon at ngayon, gamit ang iba’t ibang hulagway, ang pinakatampok na paksa sa mga obra ni Bencab. Sinasabing ang kakulangan ng kulay sa kaniyang mga obra ay napupunuan ng karakter ng kaniyang mga paksa.


Unang eksibit niya sa gulang na 24 anyos ang ginawa sa Indigo Gallery noong 1966. Mula sa isang larawan ng isang marungis na babaeng kinunan ng retrato mismo ng pintor noong dekada 1960, iniluwal ang hulagway na tinawag niyang Sabel. Sinisimbolo ng hulagway ng Sabel ang hikahos na kalagayan ng maraming Filipino.


Ang Larawan Series naman ay nagmula sa mga larawan ng mga Filipino na hango sa mga mapang antigo at mga librong kinolekta ng mag-asawang Bencab at Caroline noong sila ay nasa London. Sa mga pinturang Larawan, nahuli ng pintura ni Bencab nang buhay na buhay ang mga pigura sa mga retrato na animo’y reproduksiyon nito. Subalit dahil sa husay at kasiningan ng pintor, nagmimistulang mga bagong larawan ang pintura.


Noong 1986, bumalik sa Filipinas ang pintor matapos ang diborsiyo. Muling sinalamin ng kaniyang pintura ang panibagong yugto ng kasaysayan ng bansa sa kaniyang ikalawang bersiyon ng Two Filipinas, ang EDSA Event. Sa Baguio City na namalagi si Bencab kapiling ang iba pang manlilikha ng sining na bumubuo sa Baguio Arts Guild gaya nina Kidlat Tahimik at Santiago Bose.


Ipinanganak si Bencab noong 10 Abril 1942 kina Democrito Cabrera, isang empleado ng gobyerno at Isabel Reyes. Sa kaniyang mga naunang likha makikita ang mga imahen ng lugar na kinalakhan niya sa Bambang at Mayhaligue sa Tundo. Napangasawa niya si Caroline Kennedy, isang manunulat na British. Nag-aral siya ng Fine Arts, major sa Commercial Arts sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1959-1963.


Naging ilustrador siya ng Liwayway at Sunday Times Magazine ng Manila Times noong 1965-1968. Pagkaraan, iniukol na niya ang buo niyang panahon sa pagpipinta.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: