Aruding
Ang aruding ay isang instrumentong pangmusika ng mga Tagbanwa, isang pangkating etniko na matatagpuan sa gitna at hilagang Palawan, at karaniwang gawa sa kawayan at hinihipan upang makalikha ng tunog.
Katulad ito ng kubíng o kumbíng ng mga Magindanaon at Mëranaw na maliit, manipis, at makitid na instrumentong yari sa kawayan, bronse, o metal, iniipit sa pagitan ng mga labì, kinakalabit ang matulis na dulong may dila upang lumikha ng tunog na umaalingawngaw sa loob ng bibig.
Nagbabago ang tono sang-ayon sa pagsasara at pagbuka ng bibig ng nagpapatugtog nito. Kinikilala ito ng mga Yakan, ang pangkating etniko na matatagpuan sa pulo ng Basilan at karatig na lugar, bilang kulaing.
Tinatawag naman itong barimbang ng mga Hanunuo, na isa sa mga pangkating etniko ng Mangyan na matatagpuan sa timog Oriental Mindoro. Sa mga Tinggian, kilala ito bilang kulibaw.
Sa pamamagitan ng itak o kutsilyo, inuukitan ang kawayan na karaniwang kalahating talampakan ang haba at nilalagyan ito ng piraso ng batong munti. Madalas na pinagdidikit ang mga ito sa pamamagitan ng pulútpukyutan.
Isa ang arudíng sa mga instrumentong itinuturing na taimtim at nauukol sa malalapit na kapamilya o minamahal. Ginagamit din ito ng kalalakihan sa panliligaw.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Aruding "