Aranya
Ang aranya, mula sa Espanyol na araña, ay isang sanga-sangang kumpol ng mga ilaw na nakasabit sa kisame ng bulwagan o pangunahing pinagtitipunan ng mga tao sa isang gusali.
Bukod sa gamit bilang ilaw ay nagsisilbi itong palamuti at tatak ng karangyaan. Mas maraming nakakumpol na ilaw, mas marangya at kahanga-hanga.
Tinawag itong aranya dahil tila sapot ng gagamba na araña din sa Espanyol.
Noong araw, kandila ang mga ilaw na itinutulos sa aranya. Ngayon, mga bombilya ang mga ilaw ng aranya, bagaman may mga bombilyang hinubog kandila ang ikinakabit.
Karaniwang nakikita ang aranya sa loob ng mga simbahan, palasyo, malalaking modernong gusali, at mansiyon. Hinahangaan din ang disenyo nito.
Isa sa mga hinahangaang aranya ay makikita sa pangunahing lobby ng Sentrong Pangkultura sa Filipinas (CCP). Idinisenyo ni Patricia Keller ang tatlong malalaking aranyang gawa sa 5,000 capiz at prismong kristal. Simbolo ng tatlong pangkat ng mga pulo (Luzon, Visayas at Mindanao) ang tatlong kumpol ng mga ilaw.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Aranya "