Ansisit
Ang ansisit ay Ilokanong salita para sa nuno. Katulad ng iba pang nilalang sa mitolohiyang Filipino, gaya ng engkantada at diwata, ang ansisit ay mayroon ding mahiwagang kapangyarihan. Kahalintulad niya ang maliit na pangangatawan ng duwende ngunit mas negatibo ang ugali.
Ang ansisit ay naninirahan sa punso, malalaking bato, matatandang puno, tabing-ilog, kuweba, at sa likod-bahay. Hindi siya nakikita ng tao kaya agad niyang pinaghihigantihan ang hindi nagpasintabi o nagsabi ng “Tabi, tabi po, nuno” sa kaniyang pinaglalagian. Gamit ang kaniyang pandudura, sarisari ang kaniyang puwedeng gawing sumpa sa makaaapak o makatatabi sa kaniyang tirahan. Ang taong hindi magpasintabi ay puwedeng mamaga ang anumang bahagi ng katawan, magsuka ng dugo, umihi ng itim na likido, at tubuan ng labis na buhok sa likod.
May paniniwala na ang mga sumpang ito ay hindi maipaliliwanag ng doktor o ospital kayâ’t isinasangguni ito sa katutubong medisina. Dinadala sa albularyo ang maysakit at tinatawas siya para malaman kung anong engkanto ang nagbigay ng sumpa sa kaniya. Ang tawas ay ikukrus sa ulo ng pasyente at pagkatapos ay paiinitan sa bága. Pagkaraan ng ilang minuto, tatanggalin sa bága ang tawas at ang kinalabasang anyo nitó ang sasabihing nakaengkangto sa maysakit.
Upang maalis ang sumpa, kailangang mag-alay ng pagkain at humingi ng tawad para sa naapakang punso. Mahalaga ang paglapit sa ansisit para hindi maging permanente ang pagsanib ng masamang espiritu. Pinaniniwalaan din na maaaring hulihin ng albularyo ang ansisit sa pamamagitan ng pagpisà sa ulo nitó gamit ang mga daliri. Mas delikado ang paraang ito dahil maaaring magalit ang mga kasáma ng ansisit at lalong maghiganti.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ansisit "