Alitaptap
Ang alitaptap (pamilyang Lampyridae sa order Coleoptera) o firefly sa wikang Ingles ay isang uri ng kulisap na karaniwang lumilipad sa gabi at may sangkap sa gawing ibaba ng tiyan na nagbibigay ng kukuti-kutitap na liwanag.
Kilala ito sa nililikhang ritmikong pagkislap ng ilaw sa gabi. Ang totoo, ang naturang kutitap ay isang paraan ng hudyatan ng mga alitaptap at sistema ng pag-akit sa magkaibang kasarian.
Karaniwang kulay kayumanggi ang alitaptap at may malambot na katawan. Kahit na may pagkakatulad ang itsura ng babaeng alitaptap sa lalaki, ang babaeng alitaptap ay maaaring makilala dahil sa mga compound eyes nito.
Karamihan sa alitaptap ay nocturnal, isang katangian ng hayop na gising sa gabi at tulog sa umaga. Nangangalap ang nocturnal ng pagkain sa gabi.
Ang iba namang alitaptap ay maituturing na diurnal, isang katangian ng mga hayop na gising sa umaga at tulog naman sa gabi. Ang mga alitaptap na maituturing na diurnal ay maaari pa rin namang lumikha ng liwanag sa madidilim na lugar. Ilang araw matapos ang pagtatalik ng lalaki at babaeng alitaptap, ilalagay ng babaeng alitaptap ang mga itlog nito sa ilalim o sa ibabaw ng lupa.
Ang mga itlog ay mapipisa sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo. Aninipot ang tawag sa alitaptap ng Sebwano samantalang luciernaga naman ang katumbas nitó sa wikang Espanyol.
May isang matandang tugmang pambata, sa anyong tanaga, na tungkol sa alitaptap, at ganito ang sinasabi:
Nas’an ang alitaptap?
Nasa punò ng dapdap.
Bakit di lumilipad?
Bali-balî ang pakpak.
Makabuluhan ito ngayon dahil sa malinaw na paglalaho ng alitaptap sa mga lungsod at itinuturing na bunga ng polusyon at pagkasira ng kalikasan. Isa sa ipinagmamalaki sa Dongsol, Sorsogon ang pamamasyal sa isang ilog doon kung gabi upang magmasid sa kagila-gilalas na mga malakihang kumpol ng alitaptap na lumiligid sa mga punongkahoy.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Alitaptap "