Ano ang acta de tejeros?


Ang Acta de Tejeros (ák·ta de te·hé·ros) ay isang kasulatang nilagdaan ni Andres Bonifacio upang mapawalang-bisa ang halalan ng mga opisyal ng bagong rebolusyonaryong gobyerno noong 22 Marso 1897 sa Kumbensiyong Tejeros sa San Francisco de Malabon, Cavite.


Sa naturang kumbensiyon, nagkasundo ang mga dumalo na magtatag ng bagong pamahalaang mapanghimagsik at igalang ang magiging resulta ng halalan ng mga bagong pinuno. Nahalal sa eleksiyon sina


  • Emilio Aguinaldo bilang Presidente; 
  • Mariano Trias bilang Bise Presidente; 
  • Artemio Ricarte bilang Kapitan Heneral; 
  • Emiliano Riego de Dios bilang Direktor ng Digma; at 
  • Andres Bonifacio bilang Direktor Panloob.


Ang totoo, ang Kumbensiyon sa Tejeros ay isang pagpupulong ng Magdiwang at Magdalo, dalawang balangay ng Katipunan na binuo noong Abril 1896 sa magkahiwalay na seremonyang pinasinayaan ni Bonifacio.


Dahil sa patuloy na paglaki ng dalawang grupo, idineklara ang mga itong Sangunian Bayan, isang estado ng pagsasarili sa mga pook na saklaw, hanggang sa nagkaroon ng kani-kaniyang pamunuan.


Sa Kapulungan ng Imus noong Disyembre 1896, sinimulan ang pag-uusap kung pananatilihin ang sistema ng Katipunan o kung bubuo ng rebolusyonaryong gobyerno. Nagkaroon ng debate dahil hati ang dalawang panig: gusto ng Magdiwang ang una, gusto ng Magdalo ang pangalawa. Sa hulí, naipasiyang si Bonifacio ay mamumunò ng isang Lupong Tagapagbatas.


Pagdating ng 22 Marso 1897, nagkaroon muli ng pagpupulong at ito na ang Kumbensiyong Tejeros, masasabing teritoryo ng Magdiwang. Layunin ng pulong na isaayos ng dalawang grupo ang pagpapalaya sa Cavite laban sa mga Espanyol. Ngunit nagulo ang kumbensiyon nang magsalita si Daniel Tirona at hinahadlang ang pagkahalal kay Bonifacio bilang direktor.


Nagalit si Bonifacio at idineklarang walang-bisà ang kumbensiyon at halalan. Kinabukasan, 23 Marso, binuo at pinirmahan ni Bonifacio at ilang mga namumunò sa Magdiwang ang Acta de Tejeros na nagsasabing hindi lehitimo ang nangyaring eleksiyon dahil sa posibilidad ng dayaan.


Kasabay nitong nangyari ang panunumpa sa posisyon nina Aguinaldo, Trias, at Riego de Dios sa isang kumbento sa Tanza. Si Artemio Ricarte naman ay sumunod sa kumbento matapos pumirma sa Acta.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: