Isang mitolohikal na nilalang ang sirena na anyong babae mulang ulo hanggang baywang na may buntot ng isda sa halip na mga paa. Naiibang bahagya ang pantawag dito sa ibang bansa ngunit bahagi ito ng kultura ng maraming bayan sa buong mundo.


Karaniwang itinuturing na tagapangalaga ng karagatan gayundin ng mga hayop at halamang naninirahan dito ang mga sirena.

Gayunman, itinuturing din silang sanhi ng pagkamatay o pagkawala ng maraming mangingisda at bangkero.


Ayon sa mga kuwento, lubhang nakahuhumaling ang tinig o awit ng sirena, dahilan upang makalimutan ng mga mangingisda ang kanilang gawain kung hindi man napapatalon sila sa tubig na kanilang ikinalulunod.


Hindi naman nakapagtatakang isisi sa mitolohikal na nilalang ang ganitong trahedya. Ang agos ng dagat o lawa ay palaging nakasalalay sa klima at lagay ng panahon, at anumang suliraning dulot nito ay karaniwan nang ipinaliliwanag sa pamamagitan ng kababalaghan lalo na sa kanayunan.


Ayon sa mga biyologong pandagat, ang mga pinaniniwalaang nakikitang sirena ng mga mangingisda ay maaaring mga dugong (Dugong dugon). Ang dugong ay isang erbiborong mammal na tubig-alat na may katawang hugis torpedo, isang pares ng hugis-sagwan na pangkampay, at buntot na parang sa dolphin.


Ano’t anuman, masasalamin sa sirena ang makulay na haraya ng mga Filipinong lubos na naiimpluwensiyahan ng malalawak na anyong tubig na nakapaloob at nakapalibot sa bansa. Makatitiyak tayo na habang kapuwa yumayabong ang pagpapahalaga at lumalala ang pagpapabaya sa karagatan ay mananatili ang sirena sa imahinasyon ng mga Filipino.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: