Ang guso ay isang uri ng halamang-dagat na kabilang sa pamilya Solieriaceae.


Ang pinakakilalang genera ay ang Kappaphychus at Eucheuma. Higit sa dalawang dosenang espesye na kabilang sa mga generang ito ay kilala sa buong mundo at may ilang makikita sa Pilipinas.


Ang guso ay likas na matatagpuan sa buong rehiyon ng Indo-Pasipiko mula silangang Aprika hanggang Guam, sa tubig ng Tsina at Japan at karamihan sa mga tangrib ng mga isla sa timog silangang Asia. Bagaman ang Kappaphycus alvarezii at Eucheuma denticulatum ang kadalasang pinapalaki o inaalagaan sa buong mundo, may mga lokal na espesye rin ang inaalagaan sa Indonesia, Malaysia, at Tanzania.


Ang katawan ng guso ay masyadong kartilago, malaman at puwedeng nakatayo at binubuo ng hugis silindro at siksik na mga sanga. Ang kulay ay mapusyaw na kayumanggi at berde. Ang dami ng mga sanga ay minsang makapal at minsan namang manipis.


Magkakaiba ang morpolohiya ng guso dahil sa pagkakaiba ng lahi, pangkaligirang kadahilanan, at patuloy na pagbabago ng anyo na humahantong sa pananatili ng mga katangian tulad ng pagkakaiba ng mga kulay. Lumalaki itong kasáma ng mga korales at sa unang tingin ay mapagkakamalang isang espeye ng korales. Ang pinakamalaking espesye ay maaaring umabot sa higit na 100 sentimetro ang haba.


Ang likas na tumutubo at inaalagaang espesye, tulad ng Kappaphycus alvarezii, Kappaphycus striatum at Eucheuma denticulatum ay pangunahing pinagkukunan ng komersiyal na karageenan.


Ang pag-aalaga ng guso ay isa sa pinakamalaki at produktibong paraan ng kabuhayan ng mga mangingisda. May iba’t ibang pamamaraan ng pagpaparami ng guso at isa rito ay ang palutang. Itinatali ang semilya sa plastik na lubid at hinahayaang lumutang sa malalalim at mabababaw na bahagi na bahagya ang daloy ng tubig. Sa nakalipas na mga taon, ang produksiyon ng guso sa Filipinas ay bumaba dahil sa sakit na kung tawagin ay ice-ice disease o “buhokbuhok.”


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahuing Basahin: