Ang Lawang Mainit ang ikaapat na pinakamalaking lawa sa Pilipinas sa lawak na 173.40 kilometro kuwadrado. Ito rin ang pinakamalalim na lawa sa lalim na 223 m. Matatagpuan ito sa mga lalawigan ng Agusan del Norte at Surigao del Norte sa hilagang-silangang bahagi ng Mindanao.


Mahigit dalawampung maliliit na ilog at estero ang bumubuhos sa lawa. Ang lawa naman ay may isang labasan ng tubig, ang Ilog Calinawan, na umaagos patimog upang maging Ilog Tubay na siya namang bumubuhos sa Look Butuan.


Tuwing Setyembre hanggang Pebrero, humihimpil sa lawa ang mga migratoryong ibon mula Japan at Siberya.


Pinagkukuhanan ang lawa ng maiinom na tubig at irigasyon para sa mga taniman ng palay, mais, niyog, kamote, cassava, at saging sa apat na karatig na bayan, ang Mainit at Alegria sa Surigao del Norte, at ang Jabonga at Kitcharao sa Agusan del Norte.


Nakaasa ang kabuhayan ng maraming mangingisda sa mga lamantubig ng lawa. Marami sa mga tagalawa ang nabubuhay bilang mangangahoy at minero.


Pinangangasiwaan ng Lake Mainit Development Alliance (LMDA) ang kaayusan ng lawa at mga likas na yaman nito.


Pinagmulan:NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: