Ang Lungsod Vigan ang kabesera ng Ilocos Sur na napabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1999. Kinilala ito bilang pinakamakagandang halimbawa ng nabubuhay pang ipinlanong bayang kolonyal na itinatag ng mga Espanyol sa Asia.


Ang disenyo at arkitektura nito ay walang katulad sa alinmang bayan sa Silangan at Timog Silangang Asia at mailalarawan bilang pagsasanib ng mga elementong pangkultura mula sa mga bayan sa Asia at Europa.


Isa sa pinakamatandang bayan sa bansa, ang Lungsod Vigan ay itinatag noong 1572 ng Kastilang si Juan de Salcedo bilang isang sentro ng kalakalan sa rehiyong Ilocos. Naging lunsaran ito ng kalakalang Galeon sa pagitan ng Acapulco at Maynila.


Bukod sa kalakalan ng mga produkto, nagsilbing daluyan din ito ng palitan ng mga tao at kultura ng iba’t ibang bansa. Tinawag ni Salcedo itong Villa Ferdinandina bilang parangal sa unang anak na lalaki ni Haring Felipe II ng Espanya.


Ang Vigan ay siya ring matandang kabesera ng buong Ilocos noong hindi pa ito nahahati sa dalawang lalawigan. Ang salitâng “Vigan” ay nagmula sa kabigaan o lugar na maraming tanim na bigaa, isang uri ng bungang-ugat na gaya ng gabe.


Ang matatandang bahay-na-bato at kalsada ng Lungsod Vigan ay nahahawig sa makikita sa Intramuros, Maynila.


Dahil dito, tinagurian ito ngayong “Intramuros sa Hilaga.” Dinarayo rin sa Vigan ang matandang katedral na may malalaking imahen ng mga estasyon ng krus na nililok ng kamay, gayundin ang malalaking bornay at hinabing telang Ilokano.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: