Ang Fuente Osmeña (Fwén·te Os·mé·nya), o Osmeña Fountain sa Ingles, ang isa sa mahahalaga at makasaysayang palatandaan sa Lungsod Cebu.


Maaari itong tumukoy sa pabilog na plaza o liwasan na nagsisilbi ring rotunda ng mga sasakyan, o sa puwente ng tubig na matatagpuan sa gitna nito.


Ipinangalan ito sa dating Pangulo ng Pilipinas, Sergio Osmeña. Matatagpuan ito sa panulukan ng Osmeña Boulevard at General Maxilom Avenue at malapit sa Panglalawigang Kapitolyo ng Cebu.


Kabilang ang rotunda sa ginawang disenyo ni William E. Parsons noong 1912 para sa pagpapalawak ng Lungsod Cebu. Una niyang inilaan ang pusod na ito para sa bagong kapitolyo. Hindi nasunod ang kaniyang disenyo. Noong 1923, itinayo ang puwente bilang paggunita sa unang sistemang pantubig ng lungsod.


Makikita ang imahen ng puwente sa kanang bahagi ng lumang perang papel ng 50 piso.


Sa kasalukuyan, idinadaos sa liwasan ang samot saring okasyong kultural, sosyal, at politikal. Sa umaga’y balani ito ng mga jogger at nagta-Tai Chi, at sa gabi’y mapanghalina sa mga pamilya at magsingirog dahil sa makukulay na ilaw. Punong-puno ito ng tao sa panahon ng Pasko at sa Pista ng Sinulog tuwing Enero. Dahil sa pinalilibutan ang puwente ng mga hotel, mall, kainan, at iban establisimyento, masasabi rin itong sentro ng kalakal sa lungsod.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: