Kutang San Antonio Abad
Itinayo ito noong 1584 ng mga Espanyol upang bantayan ang likuran ng Intramuros, na siyang dating lungsod ng Maynila, at ang rutang Maynila-Cavite. Dati itong nakatayo sa baybay ng Look Maynila noong hindi pa natatambakan ng lupa ang maraming bahagi ng lungsod.
Sa kasalukuyan, matatagpuan ito sa loob ng Central Bank of the Philippines Complex sa Roxas Boulevard, sa gitna ng Manila Metropolitan Museum at mga gusali ng Bangko Sentral. Maaaring hindi ito kasingkilala ng kapatid nitong Fuerza Santiago, ngunit mahalaga rin ang ginampanan nito sa kasaysayan ng Pilipinas.
Nakubkob ang moog ng mga Ingles noong 1762, at ginamit nila ito sa kanilang pagkanyon at paglusob ng Intramuros. Nang nabawi ng mga Espanyol ang Maynila at Fuerza de San Antonio Abad, ginawa nila itong imbakan ng pulbura at tinawag na La Polvorista.
Noong Agosto 1898, nakuha ito ng mga Amerikano sa Digmaang Espanyol-Amerikano. Dito unang iwinagayway ang watawat ng Estados Unidos.
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginamit ito ng mga Hapones bilang bunker. Naisaayos ang moog nang itinayo ang bagong compound ng Bangko Sentral noong dekada sitenta.
Isa nang hardin ang moog sa kasalukuyan, at ginagamit ito sa mga okasyon ng Bangko Sentral o Manila Met. Maaari itong pasyalan ng kahit sino; kailangan lamang munang pumasok sa Bangko Sentral o sa museo. Isang kahoy na imahen ng patron ng moog, si San Antonio, ang matatagpuan sa panlikod na pader.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kutang San Antonio Abad "