Bangko
Ang karaniwang balangkas nito ay isang palapad at mahabang piraso ng kahoy (ang pinakaupuan) at apat na maikli’t pabilog na kahoy na nagsisilbing mga paa at ikinakabit nang magkapares sa magkabilang dulo ng mahabang kahoy.
Sari-sari ang uri nito, mula sa mga karaniwang gawa sa kahoy at hanggang sa may lilok pa’t pampagandang disenyo. Funsiyonal ang bangko sa pang-araw-araw na búhay, lalo na sa sama-samang pamamahinga mula sa trabaho at pagkukuwentuhan kapag nagkakatipon.
Marahil, ang unang bangko ay isang kaputol na troso o isang nabuwal na punongkahoy. Kinailangang kinisin ang upuan upang higit na maginhawa kapag inupuan at kailangang lagyan ng mga paa upang umangkop sa pisikal na pangangailangan ng umuupo.
May bangko ang mga Ifugaw na ginagamit sa ritwal at bangko na para lamang sa iginagalang na tao sa komunidad. Kilala na ngayon sa ibang bansa at tinatangkilik ng mga kakaibang bangkong disenyo ni Kenneth Cobunpue ng Cebu.
Samantala, bahagi na ang bangko ng pananalinghagang Filipino. Pinaaalalahanan ang mayabang na “huwag magbuhat ng sariling bangko.”
Kinaaawaan naman ang “nababangkô” (ang atleta sa basketbol na hindi ipinapasok sa laban o ang dalagang hindi naaanyayahang sumayaw sa isang pagdiriwang.)
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bangko "