Ang Kutang Pilar (Fort Pilar) ay isang moog sa Lungsod Zamboanga na itinayo ng Heswitang paring si Padre Melchor de Vera kasama si Kapitan Juan de Chaves noong 23 Hunyo 1635.


Una itong tinawag na Real Fuerza de San Jose at nagsilbing tanggulan ng mga Kristiyano laban sa pagsalakay ng mga Muslim, Olandes, at Tsino.


Noong 1663, iniwan ito ng mga sundalong Espanyol nang magpunta sila sa Maynila upang kalabanin at paalisin ang mga piratang Tsino. Muli itong ipinagawa ng inhenyerong Espanyol na si Juan Sicarra noong 1719 at tinawag na Fuerza de Nuestra Señora del Pilar de Zaragoza na alay sa patrong si Nuestra Señora del Pilar.


Ilang pagsalakay ang nalampasan ng Fort Del Pilar. Taong 1720, sinalakay ito ng hukbo ni Dalasi, Hari ng Bulig kasama ang 3,000 Muslim at noong 1798, binomba naman ito ng mga British. Naging bilangguan din ito ng 70 tao noong 1872, inabandona ng mga Espanyol noong 1898 at inokupa ng mga Amerikano noong 1899 ngunit sinakop ng mga Hapon noong 1942.


Noong 4 Hulyo 1946 inilipat sa Filipinas ang pamamahala sa moog.


Kinilala ang Fort Pilar bilang Pambansang Yamang Pangkultura noong 1 Agosto 1973 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 260. Sinimulan ang restorasyon dito noong 1980 na pinamahalaan ng Pambansang Museo ng Filipinas.


Pagkaraan ng anim na taon, binuksan ang Fort Pilar bilang isang Museo na nagtampok ng mga Kontemporaneong Sining ng Filipinas.


Noong 1987, binuksan din ang ikalawang palapag ng Museo na nagtampok ng eksibit ng mga yamang-dagat ng Zamboanga, Basilan, at Sulu. Mahigit 400 species ng yamang-dagat ang ipinakita sa pamamagitan ng mga diyorama. Sa pang-ilalim na palapag ng Fort Pilar ay matatagpuan ang eksibit ng relikya ng barkong Griffin na lumubog noong ika-18 siglo


Ang Museong Fort Pilar ngayon ang isa sa paboritong pasyalan sa Lungsod Zamboanga.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: