Ang kubyertos ay kagamitang ginagamit sa paghahanda, paghahain, at pagkain ng mga putahe.


Mula ito sa cubiertos ng mga Espanyol na mayroong katulad na kahulugan. Ang tradisyunal na paggawa nito ay gumagamit ng pilak at sa kasalukuyang panahon naman ay stainless steel.


Ang tatlong pangunahing kubyertos na kutsilyo, kutsara, at tenedor ay mayroong iba’t ibang uri para sa iba’t ibang paggagamitan.


May iba-ibang kutsilyo para sa gulay, karne, isda, tinapay, keso, at mantekilya. Bawat uri ng kutsilyo ay may kapares na tenedor. Kaya may mga tenedor para sa gulay, karne, isda, prutas, panghimagas, at iba pa.


Mayroon ding mga kutsara para sa sopas, kape, tea, panghimagas, sarsa, asukal, at iba pa. Sa mga pormal na kainan, mayroong sinusunod na pagkakaayos ang mga kubyertos o ang tinatawag na table setting. Isinasaayos ang mga ito batay sa gamit.


Sa kulturang Kanluranin, karaniwang ang tenedor, platito, kutsilyo para sa mantekilya, at napkin ay inilalagay sa kaliwa ng plato habang ang kutsilyo, kutsara, mga inuman, at platito ay nasa kanan.


Ilang mga kagamitang pangkusina ang nakuha ng mga arkeologo sa lumubog na barkong San Diego. Bago pa man maging barkong pandigma ang San Diego, isa itong barkong pangkalakal kaya iba’t ibang klase ng kagamitan ang natagpuan sa kinalubugan nito.


Mayroong mga porselana mula sa Tsina tulad ng plato, mangkok, banga, botelya, at iba pa na may disenyong bughaw-puti na popular noong 13 hanggang 17 siglo sa dinastiyang Yuan at Ming. Mayroon ding mga kasangkapang Europeo tulad ng mga kubyertos, kristal, kandelero, at iba pa. Ipinapalagay na ang mga ito ay ginagamit ng mahahalagang pasahero sa barko, gaya ng almirante.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: