Ang Ilog Pampanga (Pam·páng·ga) ang isa sa pinakamahabang ilog sa Pilipinas, at ikalawang pinakamahabang ilog sa isla ng Luzon pagkatapos ng Ilog Cagayan.


Kilala rin bílang Rio Grande de Pampanga, ang ilog at mga sangay nito ay matatagpuan sa Gitnang Luzon at dumadaloy sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Quezon, at Tarlac.


Nagsisimula ito sa mga kabundukan ng Caraballo at Sierra Madre at umaagos patimog bago bumuhos sa hilagang bahagi ng Look Maynila. Ilan sa mga sangay nito ang Chico de Pampanga, Lubao, Pantabangan, at Peñaranda.


Ang Ilog Pampanga ay may habang 260 km. Ang pinagsamang river basin ng mga Ilog Pampanga at Guagua ay may lawak na 10,540 kilometro kuwadrado, ikaapat na pinakamalaki sa buong bansa.


Bahagi ng river basin nito ang latian ng Candaba, isa sa mga pangunahing latian ng bansa sa lawak na 32,000 ektarya. Tuwing panahon ng tag-ulan ay nakararanas ng pagbaha ang mga bayan na nasasaklaw ng Ilog Pampanga.


Matatagpuan din sa naturang river basin ang Bundok Arayat, at ang Dikeng Pantabangan sa Pantabangan, Nueva Ecjia, na nagbibigay ng irigasyon sa mga sakahan ng Nueva Ecija at Tarlac.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: