Sino si Vicente Lim?

Bukod kay Jose Rizal, isa ring dakilang anak ng Calamba, Laguna ang bayani ng Bataan noong panahon ng mga Hapones na si Heneral Vicente Lim, na ngayong araw, February 24, ang kanyang ika-134 taong kaarawan. Isinilang siya noong 1888 bilang ikatlo sa apat na anak ng Tsinong si Jose Ayala Lim-Yaoco at mestizang Tsina na si Antonia Podico. Naulila sa ama si Vicente sa edad na walo, habang kasama ang pamilya Lim sa mga nangungupahang pamilya sa Hacienda de Dominicano na pinalayas ng mga prayle dahil sa isyu ng lupain sa naturang bayan noong 1890. Lumipat ang kanyang pamilya sa Batangas, kung saan siya nakapag-aral.


Binata pa lang si Vicente ay namulat na siya sa magulong larangan ng pakikidigma noong digmaang Pilipino-Amerikano, nang magsilbi siyang courier o mensahero sa hanay ni Heneral Miguel Malvar ng Batangas. Habang ginagawa niya ito ay nag-aaral siya sa Liceo de Manila, at sa Philippine Normal School sa kursong edukasyon. Nagturo siya sa isang pampublikong paaralan sa Sta. Cruz, Maynila sa loob ng isang taon, at muling itinuloy ang pag-aaral ng edukasyon sa PNS. Matalino, maabilidad at atletang estudyante, ito ang naging bentahe ni Vicente para makapasok sa prestihiyosong West Point, ang akademiyang pangmilitar sa Estados Unidos. Sa kabila ng diskriminasyong nararanasan sa mga kadeteng Amerikano, matagupay na nagtapos si Vicente sa West Point, ang kauna-unahang Filipino na nagtapos sa naturang paaralan.


Panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, may ranggong Brigadier General si Heneral Vicente Lim sa USAFFE ni Heneral Douglas MacArthur, isa sa pinakamataas na ranggo na nakuha ng isang Filipino sa naturang hukbong Amerikano, at pinangunahan niya ang maliit na batalyon ng mga sundalong Filipino na lumaban sa Bataan noong 1942. Nakaligtas siya sa Martsa ng Kamatayan o Death March, at ipinasok sa Philippine General Hospital, kung saan ginamit ni Heneral Lim ang kanyang karamdaman doon para makapagpadala ng lihim na impormasyon sa mga gerilya. Taong 1944 nang tinanggap ni Heneral Lim ang utos na lumikas siya papuntang Australia, pero nahuli siya ng mga Hapones, at itinapon sa Fort Santiago.


Kasama niyang nakulong doon ang asawa ni Josefa Llanes Escoda na si Antonio, na kalauna’y pinatay ng mga Hapones sa loob ng naturang piitan. Pinahirapan din ng mga Hapones si Heneral Lim, pero hindi nawala sa kanya ang lakas ng loob at pag-asa.


Huling beses siyang nakitang buhay sa Far Eastern University at hindi na muli pang nakita noong huling buwan ng 1944.


Malalaman ng naiwang pamilya ni Heneral Lim na kasama siya sa mga minasaker na gerilya sa Manila North Cemetery noong bisperas ng Bagong Taon ng 1944 sa edad na 56. Kabilang siya sa mga listahan ng mga nawawalang Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pinaparangalan ang alaala ni Heneral Vicente Lim, bilang isa sa tatlong martir na Pilipino noong panahon ng mga Hapones na naitampok sa 1000-pisong perang papel.


Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in philippine History, February 24, 1888, General Vicente Lim was born in Calamba, Laguna.
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/955/today-in-philippine-history-february-24-1888-general-vicente-lim-was-born-in-calamba-laguna