Plasa
Mula sa Espanyol na plaza, maraming kahulugan ang plasa. Karaniwang tumutukoy ito sa “liwasang bayan” o “patyo ng simbahan.” Tumutukoy din ito sa malawak na espasyong ginagamit na pook-palaruan o pasyalan. Mahalaga ang plása dahil ito ang naging sentro ng mga gawaing pangmadla—tulad ng mga politikal at relihiyosong pagtitipon at pangyayaring pangkasiyahan. Bukod sa huntahan para sa mga gawaing pampubliko, espasyo rin ito ng disiplina na maaaring pangyarihan ng mga pampublikong bitay o pagpaparusa. Simboliko ito dahil sentro ng isang bayan. Kadalasang dito itinatayô ang mahahalagang panulukang bato tulad ng mga monumento o memoryal.
Una itong ipinakilála sa bansa sa paghahari ni Felipe II. Sa kaniyang dekreto, binigyan ng diin ang pagtatalaga ng isang plaza complex na binubuo ng isang pangunahing plása, ng munisipyo, at ng isang katedral o simbahang pinamamahalaan ng Simbahang Katoliko. Wika nga, ang plása ang puso ng kapangyarihang Espanyol noon sa bawat bayan at lalawigan. Ito ang pinagsisimulan ng poblasyon at ng mga daan patungo sa mga nayon.
No Comment to " Plasa "