Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining
Ang Pambansâng Komisyón pára sa Kultúra at mga Sining o National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang pangkalahatang ahensiya para sa paggawa ng patakaran, pag-uugnayan, at paggagawad ng tulong tungo sa pag-iingat, pagpapaunlad, at pagpapalaganap ng mga sining at kultura ng Filipinas. Nagsimula ito bilang Presidential Commission on Culture and the Arts na itinatag noong 1987 ni Pangulong Corazon C. Aquino. Naging NCCA ito noong 1992 nang pagtibayin ng Kongreso ng Filipinas ang Batas Republika 7356.
Pangunahing tungkulin ng NCCA na magbalangkas ng mga patakaran na magpapaunlad ng sining at kultura sa bansa. May apat na subkomisyon ito na binubuo ng mga boluntaryong manggagawa at alagad ng sining sa iba’t ibang larang ng mga sining, pamánang pangkultura, at disimenasyon. Pinag-uugnay din nitó ang mga ahensiyang pangkultura sa pamamagitan ng isang Kalupunan ng mga Komisyoner, na kinabibilangan ng mga kinatawan ng Kagawaran ng Batayang Edukasyon, Kagawaran ng Turismo, Mababà at Mataas na Kapulungan ng Kongreso, National Archives, National Library, National Museum, National Historical Commission of the Philippines, Komisyon sa Wikang Filipino, Cultural Center of the Philippines. Nagdudulot ito ng mga grant at tangkilik bilang tagapangasiwa ng National Endowment Fund for Culture and the Arts (NEFCA).
Sinasalamin ng sagisag ng NCCA ang muling pamumulaklak ng kultura at sining sa Filipinas. Ang Alab ng Haraya na kinakatawan ng apoy at insensaryo ay nagsisilbing sagisag ng kadakilaan ng katutubong kultura ng bansa. Bilang pagtalima sa mga pangunahing tungkulin nito, naglulunsad ang ahensiya ng mga proyekto para sa iba’t ibang disiplina ng sining. Tinutulungan din nito ang mga organisasyong pangkultura, lokal na gobyerno, pribadong sektor, at ibang ahensiya ng pamahalaan na makapaglunsad ng proyektong pangkultura. Itinataguyod ng NCCA ang paglalathala ng mga aklat at publikasyong pangkultura upang mapaunlad ang kamalayang makasining.
Ang NCCA ay isang nagsasariling ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng Opisina ng Pangulo ng Filipinas. Direkta itong nagbibigay ng ulat sa Pangulo at sa Kongreso ng Filipinas.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining "