Palosebo
Palosebo
Ang palosebo ay isa sa pinakakaraniwang laro tuwing may pista o may espesyal na pagdiriwang sa isang bayan sa Pilipinas. Ang palosebo ay hango sa dalawang salitang Espanyol—palo o poste at sebo o grasa.
Sa larong ito, bawat kalahok na karaniwa’y mga batang lalaki ay nagtatangkang akyatin ang tuktok ng tagdang kawayan upang makuha ang gantimpala. Bago itayo ang mahabàng kawayan, isang maliit na sisidlan ang itinatali sa dulo na karaniwang naglalaman ng laruan o salapi. Kung minsan, isang banderita ang isinasabit sa dulo at ang makakukuha nito ang magkakamit ng gantimpala.
Bukod sa paglalagay ng premyo, may iba pang paghahandang ginagawa sa kawayan. Pinakikinis ito para hindi masaktan ang aakyat dito. At pinapahiran din ito ng mantika o iba pang padulas. Dahil dito, lalong humihirap at nagiging hámon para sa kalahok ang pag-akyat at pag-abot sa pinakamataas na dulo ng kawayan.
Maaaring nagsimula ang larong ito noong panahon ng mga Espanyol, nang ipakilala ng mga mananakop sa kulturang Filipino ang pagdiriwang ng pista para sa mga patron. Sa larong ito, nasusubok ang husay sa pag-akyat at lakas ng mga kamay, bisig, binti, paa, at halos ang buong katawan ng kalahok. Kailangan din ng tiyaga, pagiging maparaan, at determinasyon sa larong ito.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Palosebo "