pakimkim

Pakimkim


Tinatawag na pakimkím ang regalong salapi na ibinibigay ng ninong at ninang o ng sinumang bisita sa batàng bagong binyag o kayâ’y bagong kumpil. Sa ibang lugar sa Pilipinas, kilala rin ito sa tawag na pakipkíp. Sa ibang mga probinsiya, tinatawag ding pakimkim ang regalong ibinibigay sa sanggol kapag unang beses na pumasok ang bata sa kahit kaninong bahay. Nagmula ang salitang pakimkim sa kimkim na nangangahulugang “pagkuyom sa palad.”


Ang pakimkim ay isang uri ng kontrol sa lipunang Filipino. Hinahangad ng mga nagbibigay ng pakimkim ang pagiging matipid at mahusay humawak sa pera ng batà. Pinaniniwalaan na kapag binigyan ng salapi ang sanggol, madadalian ang batà sa paghahanap ng pera kapag tumanda. Kapag bininyagan naman ang sanggol, maaaring isa sa mga ninong o ninang ang sumagot sa ibinibigay na abuloy sa simbahan at ikokonsidera pa rin itong pakimkim. Kapag nangyari ito, pagpapalain ang sanggol sa mga hihilingin niya mula sa nasabing simbahan. 


Sa ibang lipunang Filipino, inuunan ng batà ang nakuha niyang pera nang sa gayon ay maging matalino siyá sa paghawak ng pera at pinansiya paglaki. Sa kabilâng bandá, ang sinumang humawak at ginastos ang pakimkim na pera ay mamalasin. Kapag ginastos ang perang ibinigay sa sanggol sa iba pang gastusin na hindi naman makikinabang ang sanggol, mamalasin ang mga magulang ng batà at pati na ang sanggol. 


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: