On
paluwagan

Paluwagan


Tila isang uri ng pag-iipon at pagpapatago ng pera ang paluwágan. Isa rin itong palatandaan ng pakikipagkapuwa-tao at tiwala ng bawat Filipino sa isa’t isa. Mula sa salitâng luwág na tumutukoy sa pagdudulot ng ginhawa mula sa isang uri ng paghihigpit, ang paluwagan ay isang sistema ng pagpapautang sa isa’t isa ng mga kalahok. Walang espesipikong halaga ang ilalabas ng bawat kasali sa paluwagan at wala ring espisipikong dami ng tao na maaaring sumali. Depende ang lahat sa mapagkasunduan ng mga sumali, na malimit ay mula sa isang maliit na pangkat ng magkakabarkada, magkakabaryo, o magkakasáma sa upisina.


Bago magsimula ang paluwagan, mag-uusap muna ang mga tao na nais sumali rito. Pagdedesisyunan nila kung gaano katagal ang paluwagan, sino ang magtatago ng pera, magkano ang ihuhulog na pera at kung kailan ihuhulog ang pera. 


Karaniwan, itinatapat ng mga nagpapaluwagan ang paghuhulog ng pera sa araw ng suweldo upang matiyak na ang lahat ay may ibibigay na pera. Nagbubunutan din ang mga nagpapaluwagan kung sino ang unang makakukuha ng perang pinagsama-sama, sino ang pangalawa, hanggang sa lahat ay makakuha ng paluwagan. 


Kung minsan, itinatago ang pera at walang kumukuha nitó hanggang sa matapos ang napagdesisyunang panahon bago ibigay ang pera sa bawat miyembro ng grupo. Halimbawa, kung pinagdesisyunan ng grupo na sa 12 buwan ay maghuhulog ang bawat isa ng P1000, sa pagtatapos ng 12 buwan ng paghuhulog, magkakaroon ang bawat isa ng P12,000. 


May iba rin na ipinapautang ang naiipong pera at pinatutubuan sa humiram ng pera. Halimbawa, kung may limang nagpaluwagan at hiniram ng isa ang perang inipon at may kasámang tubò sa perang hiniram, paghahatihatian ng apat pang miyembro ang tinubòng pera mula sa hiniram.


Pinahahalagahan ng sistema ng paluwagan ang tiwala ng bawat miyembro ng grupo. Kailangan na bawat miyembro ay maging tapat sa napagkasunduan, kahit na wala itong kasulatan. Kapag nasira ang tiwala ng grupo sa isang tao sa paluwagan, sinisira rin ng tao ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa mga kasáma niya sa paluwagan.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: