Pangangalaga sa mga Batang Pilipino
Paano nga dapat tratuhin ang mga bata, partikular ang mga batang lansangan at mga batang nakalabag sa curfew sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon ng buong bansa dulot ng COVID-19?
Ang Komisyon sa Karapatang Pantao (CHR) ay nananawagan at nagpapa-alala sa mga ahensiya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, mga kapulisan at mga opisyal ng barangay na may mga batas at panuntunan patungkol sa usaping ito. Ang mga polisiyang ito ay patuloy na umiiral sa gitna ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ). Ang hindi pagsunod sa mga ito ay nangangahulugan paglabag sa batas, hindi pagtalima sa tungkuling ipatupad ang batas, at kakulangang maproteksiyunan ang mamamayan.
Ang mga bata ay may mga karapatan
Ang Pilipinas ay lumagda sa United Nation Convention on the Rights of the Child (UNCRC). Ayon sa UNCRC, ang mga indibidwal na wala pang labing-walong taong gulang (18 years old) ay may mga karapatan na dapat proteksyunan, galangin, at ipatupad ng estado at ng kanyang mga sangay sa ano mang oras, saan man, at ano mang pagkakataon.
Ang mga bata ay mahalagang yaman ng bayan
Ayon sa Presidential Decree 603 o ang Child and Youth Welfare Code, ang mga bata ay isa sa mga pinakamahalagang yaman ng isang bansa, kaya nararapat lamang na gawin ng pamahalaan ang lahat para mapangalagaan ang kanilang kagalingan at mabigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng kapaki-pakinabang at masayang buhay, anuman ang kanyang pinanggalingan at antas sa buhay.
Ang mga bata ay nangangailangan ng proteksyon laban sa pang-aabusong pisikal o emosyonal, pagmamaltrato, karahasan, at eksploytasyon.
Ayon sa Republic Act 7610 o ang Special Protection Against Child Abuse, anumang uri ng pananakit na pisikal, emosyonal, o sikolohikal, karahasan o eksploytasyon laban sa isang bata, kahit minsan lang gawin ninuman, ay isang paglabag sa batas.
Ang bata/menor de edad na nakalabag ng ordinansa, gaya ng curfew ay tinuturing na “Child at Risk”.
Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ang Child at Risk (CAR) ay kinakailangang bigyan ng proteksyon at tulungan upang hindi makagawa ng anumang aksyon na maituturing na paglabag sa batas.
Dahit dito, ang mga batang natagpuang lumalabag sa curfew ay hindi dapat arestuhin o ikulong. Sila ay dapat bigyan ng payo o nararapat na intervention at ibalik sa kanilang mga magulang. Hindi rin sila maaaring saktang pisikal at emosyonal, pahiyain o ilagay sa sitwasyong sila ay maaring makaranas ng karahasan.
Ang mga batang nakatira at matatagpuan sa lansangan ay nangangailangan ng proteksyon at tulong, at hindi dapat hinuhuli na parang kriminal.
May mga protocols na pinagtibay ang Council for the Welfare of Children (CWC), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa tamang pamamaraan ng pag reach out sa mga bata na tinaguriang Children in Street Situations (CISS). Hindi Sila maaring arestuhin, parusahan, o ikulong.
Maliban sa mga nasabing protocol, maaari ring maging batayan ang Genereal Comment No.21 ng UN Committee on the Rights of the Child. Naglalaman ito ng mga pamamaraan kung paano dapat tignan at tratuhin ang mga batang naninirahan sa mga lansangan o naglalagi sa mga pampublikong lugar at espasyo.
Ang mga lokal na pamahalaan ay may tungkulin magpatupad ng mga serbisyo at programa sa lahat ng panahon at pagkakataon.
Ayon sa RA 7160 o ang Local Government Code, ang mga pamahalaang lokal ay dapat maglunsad at magpatupad ng mga programa para sa kapakanan ng mga pamilya, kabataan, pamayanan, mga kababaihan, mga nakakatanda, may kapansanan, at rehabilitasyon para sa mga kapakanan ng mga bata at kabataan, mga batang nakatira sa lansangan, nangangalakal; juvenile delinquents, at maging mga biktima ng mga iligal na gamot.
Pinagmulan: CHR Philippines @chrgovph
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pangangalaga sa mga Batang Pilipino "