On
Ano ang Online Sexual Exploitation of Children?


Ang Online Exploitation of Children ay ang pananamantalang sekswal sa mga kabataan sa pamamagitan ng paggamit ng online connection o internet. Karaniwang nakakikilala ang bata o ang mga magulang nito ng kadalasang mas nakatatandang kausap na humihingi o bumibili ng mga sensitibong/sekswal na larawan o video ng bata. Maaari rin namang live stream ang hingin ng nakatatandang kausap.


Ito ay karaniwang isinasagawa sa panunuod o pagpapalaganap ng mga materyal na nagpapakita ng pang-aabuso sa kabataan sa paraang sekswal. Ito ay maaari ring sapilitang pagpapagawa ng mga sensitibo/sekswal na gawain sa bata na ginagamit din para ipanakot sa kanila.


Ang Online Sexual Exploitation of Children ay karaniwang nag-uumpisa sa tinatawag na “grooming for sexual purposes”. Ang grooming ay ang pagkuha ng loob ng bata para mapasunod itong gawin ang mga sekswal na naisin ng mas nakakatandang kausap.


Bakit nangyayari ang Online Exploitation of Children?


Dahil ito sa accessibility ng mga tao sa internet na madaling nagagamit sa pananamantalang sekswal sa kabataan. Madaling nakakapagtago ang mga gumagawa nito sa likod ng kamera at kadalasang mahirap silang mahuli ng batas.


Dahilan din ng iba ang kahirapan, kung kaya ginagamit nila ang gawaing ito para kumita ng pera. Maraming parokyano sa internet ang pumapayag magbayad ng malaki para lang makapanamantala sa kabataan. Madaling natatanggap ang bayad mula sa parokyano dahil na rin sa paglaganap ng mga money remittance centers sa Pilipinas.


May mga pagkakataon ding nagiging dahilan ang pagkakalayo ng mga bata sa kanilang magulang kung saan hindi natututukan ng mga magulang ang mga gawain ng kanilang anak. (Halimbawa: OFW)


Isa ring dahilan ang likas na pagiging malihim at mahiyain ng mga Pilipino kung kaya hindi kaagad nagsusumbong ang mga batang nabibiktima nito.


Paano maiiwasan ng Online Sexual Exploitation?


Para sa mga magulang:



1. Ugaliing i-monitor ang mga online activities ng inyong mga anak.


2. Paalalahanan ang mga bata na maging maingat sa mga gustong makipag-usap sa kanila sa internet.


3. Gawing pamilyar ang sarili sa mga internet slang na maaaring gamitin ng mga sexual predators upang mahikayat ang inyong mga anak tulad ng NIFOC o Naked in Front of Camera, TDTM o Talk Dirty To Me, at iba pa.


4. Sanayin ang sariling makinig o sumubaybay sa balitang tungkol sa Online Sexual Exploitation of Children upang mapalawak ang kaalaman at mas maingatan ang mga kabataan.


5. Huwag manood, magpalaganap o mag-produce ng mga materyal na naglalaman ng sekswal na pang-aabuso at pananamantala sa kabataan.


Para sa kabataan:


1. Huwag basta magtiwala sa mga nakakausap sa internet lalo na kung ang mga ito ay hinihikayat kang magsinungaling at magtago ng sikreto sa iyong mga magulang.


2. Huwag magbigay ng ano mang larawan o video, lalo na kung maselan, sa kanino man sa internet o saan man.


3. Huwag matakot magsumbong o humingi ng tulong kung mayroong nang-abuso, nanakot, o gumawa ng kabastusan sa iyo lalo na sa internet, ito ay hindi mo kasalanan.


4. Huwag pagtakpan o kunsintihin kung may kakilala kang gumagawa ng ganitong gawain.


5. Limitahan, hangga’t maaari, ang paggamit ng internet sa mga aktibidad na kapaki-pakinabang sa iyong personal na pag-unlad.


6. Huwag manood, magpalaganap o mag-produce ng mga materyal na naglalaman ng sekswal na pang-aabuso  at pananamantala sa kabataan.


Saan maaaring lumapit o magsumbong kung ako o ang aking kakilala ay biktima ng Online Sexual Exploitation of Children?


Maaaring lumapit sa:


1. Guro/teacher o guidance counselor ng paaralan.


2. Barangay Women and Children Protection Desk.


3. Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) – Hotline: (02) 8420-6460.


4. National Bureau of Investigation-Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) – Hotline: (02) 8521-9208


5. Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Hotline: (02) 8931-8101


6. Commission on Human Rights (CHR) – Hotline: (02) 8294-8704


Ano ang mga batas na nagbabawal ng online sexual exploitation of children?


Ang mga sumusunod na batas ay maaaring maging gabay laban sa online sexual exploitation of children:

1. Republic Act 9775 – Anti-Child Pornography Act of 2009

2. Republic Act 9208 as amended by RA 10364 – Expanded Anti-trafficking in Persons Act of 2012

3. RA 7610 – Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act

4. RA 10175 – Cybercrime Prevention Act

5. RA 8353 – The Anti-Rape Law of 1997


Pinagmulan: fb/dilg.philippines


Mungkahing Basahin: