Kailan itinatag ang United Nations?
Itinatag ang United Nations noong Oktubre 24, 1945.
Ngayong araw, Oktubre 24 ay ginugunita ang ika-76 taon ng pagkakatatag ng samahang pandaigdigan na siyang magbubuklod sa mga bansa sa buong mundo, ang Samahan ng mga Nagkakaisang Bansa o United Nations Organization (UN).
Binuo ang nasabing samahan, mahigit isang buwan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang lagdaan ng mga delegado ng 51 bansa sa buong mundo, kabilang na ang Filipinas, Estados Unidos, Soviet Union, Republika ng China, France, at United Kingdom, ang UN Charter sa lungsod ng New York, sa Amerika.
Isa itong pandaigdigang samahan na naglalayong mapagtibay at mapatatag ang pandaigdigang kapayapaan sa buong mundo at mapigilan ang anumang pandaigdigang digmaan, at matiyak ang kooperasyon at pagkakaisa ng mga bansa sa buong mundo.
Layunin din ng nasabing organisasyon na mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa buong mundo, mapangalagaan ang mga pangunahing karapatang pantao ng mga mamamayan ng bansa sa buong mundo, mapigilan ang anumang uri ng terorismo, paglabag sa mga karapatang pantao, mapagbuti ang agham at teknolohiya, edukasyon, at mapreserba ang mga yamang kultural at pangkasaysayan ng bawat bansa.
Ang United Nations ay dating orihinal na tawag sa mga bansang nagkaisa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong Enero 1942 upang matalo ang mga pwersang Axis sa digmaan, kabilang na ang Nazi Germany.
Ang United Nations din ang humalili sa League of Nations, na itinatag noong 1919 matapos ang paglagda sa Kasunduan sa Versailles, dahil nakitang hindi ito naging epektibo upang mapigilan ang ikalawang pandaigdigang digmaan.
Matatagpuan sa New York City ang punong himpilan ng United Nations at may mga rehiyunal na tanggapan din ito sa mga bansang Kenya, Austria at Switzerland. Si Antonio Guterres ng Portugal ang ikasiyam at kasalukuyang Punong Kalihim ng United Nations (Oktubre 25, 2021).
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kailan itinatag ang United Nations? "