Kailan itinatag ang National Capital Region?


Eksaktong 46 taon na ang nakararaan, nilagdaan sa araw na ito, Nobyembre 7, noong 1975 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Presidental Decree no. 824, na nagtatatag sa Pambansang Punong Rehiyon o ang National Capital Region (NCR).


Itinatag noong ika-2 ng Hunyo, 1978 sa bisa ng Presidental Decree no. 1396 ang Metropolitan Manila Commission, na layong mapangasiwaaan ang bagong-silang na rehiyon.


Noong mga panahong itinatag ang NCR, binubuo lang iyon ng apat na lungsod; Maynila, Quezon City, Caloocan at Pasay, at 13 bayan; Las Piñas, Makati, Malabon, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasig, San Juan, Taguig, Valenzuela at Pateros.


Itinalaga naman ang kanyang maybahay at Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos bilang Gobernador ng National Capital Region, kung saan sa loob ng halos isang dekadang pamumuno, nagpatayo siya ng mga istrukturang sa buong rehiyon, bilang bahagi ng kanyang City of Man campaign.


Naging popular at kontrobersyal ang mga istrukturang naipatayo ng dating Unang Ginang, dahil sa napakabilis at minsa’y kwestyonableng paggamit ng pondo ng bayan, at ang pagwawaldas niya sa mga naturang proyekto sa harap ng nagdarahop na kababayan.


Nang si Pangulong Corazon Aquino na ang humalili sa napatalsik na dating Pangulong Marcos, ipinatupad niya ang Executive Order no. 392, na nagpapapalit sa pangalan ng Metropolitan Manila Commission bilang Metropolitan Manila Authority, kung saan ang bawat mga mayor na nasa ilalim ng NCR ang mamimili ng iluluklok na chairman ng nasabing ahensya.


Taong 1995 nang naging Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nasabing ahensya, na ang chairperson nito ay itatalaga lang ng Pangulo ng Pilipinas.


Nagmula pa sa panahon ng Amerikano ang konsepto ng pagkakaroon ng pambansang Punong Rehiyon sa Pilipinas, nang itinatag ng pamahalaang Commonwealth ang City of Greater Manila, na binubuo ng

  • Maynila,
  • Quezon City,
  • Caloocan,
  • Las Piñas,
  • Mariquina,
  • Pasig,
  • Parañaque,
  • Malabon,
  • Navotas,
  • San Juan del Monte,
  • San Pedro de Macati,
  • San Felipe Neri,
  • Muntinlupa at
  • Taguig-Pateros.

Sanggunian:
• Department of Environment and Natural Resources, Environmental Management Bureau
https://ncr.emb.gov.ph/historicalbackground/


Mungkahing Basahin: