Marina Dizon
Isa sa mga unang kasaping babae ng Katipunan si Marina Dizon. Mula siya sa pamilyang lumahok halos lahat sa Himagsikang 1896.
Ang kaniyang ama, si Jose Dizon, ay isa sa Labintatlong Martir ng Cavite. Ang ama niya ay aktibong kasama ni Andres Bonifacio. Namatay ang kaniyang ina noong walong taong gulang lámang siyá kayâ lumaki siya sa kaniyang tiyang si Josefa Dizon, na ina ni Emilio Jacinto. Napangasawa niya si Jose Turiano Santiago, isa ring Katipunero at dinakip din sa Maynila noong Agosto 1896.
Nag-aaral si Marina sa pribadong paaralan ni Maestro Timoteo Reyes nang makaeskuwela niya doon ang napangasawang si Jose Turiano Santiago. Mahilig siyá sa musika at pagpipinta. Gitarista at biyonilista ng Banda Trozo Comparza. Noong 1893, dinala siyá ni Emilio Jacinto sa bahay ni Don Restituto Javier at nanumpang kasapi ng Katipunan.
Naging tagpagingat siyá ng mga dokumento ng Katipunan, at sinuno niya ang mga ito nang maganap ang mga pagdakip noong Agosto 1896. Ipinagbili niya ang ilang hiyas at ari-arian para pansuhol sa mga guwardiya sa piitan ng asawa, na pinawalan noong 11 Setyembre 1897.
Lumipat silá ng tirahan sa Meycauayan, Bulacan, at sakâ sa Tarlac. Nang tumihimik, bumalik si Jose sa Maynila at nagtrabaho. Napagsuspetsahan itong rebolusyonaryo sa panahon ng mga Amerikano kayâ para makaiwas sa pagdakip ay tumakas patungong Hong Kong. Naiwan si Marina sa Filipinas. Nakabalik din si Jose at namatay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Namuhay mag-isa si Marina sa Kalookan kasama ng isang anak na babae at namatay noong 25 Oktubre 1950.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Marina Dizon "