Jawi
Ginamit ito ng mga Muslim sa Mindanao at Sulu sa paglilista ng kanilang mga angkan, mga personal na liham, mga opisyal na patakaran, mga pahayag ng mga pinuno ng relihiyon at pamahalaan, at iba pang diskurso. Bukod sa mga ito, may mga natagpuan ding maninipis at antigong aklat, na tinatawag na kitab, na nakasulat sa jawi at naglalaman ng mga tala, komentaryo, pag-unawa, at tuntunin ukol sa paniniwalang Islam.
Tinatawag din ang mga dokumentong jawi bilang surat sa Tausug at Magindanaw.
Noong 1996, inilimbag ng University of the Philippines – Center for Integrative and Development Studies (UP-CIDS) ang tatlong maliliit na aklat ng mga surat na tinipon ni Samuel K. Tan at pinamagatang Jawi Documentary Series. Naglalaman ito ng higit 300 dokumentong may kinalaman sa Sultanato ng Sulu noong bago matapos ang ika-19 siglo hanggang sa pagkakatatag ng Komonwelt ng Filipinas noong 1935, at iba pa.
Mahalaga ang mga dokumentong ito dahil itinala dito ang reaksiyon ng mga Tausug at Magindanaw sa mga pamahalaang kolonyal ng Espanya at Estados Unidos. Maaaring gamitin ang mga ito upang mapag-aralan pang mabuti ang kultura at kasaysayan ng mga Moro nang hindi umaasa sa salaysay ng mga tagalabas, dayuhan man o kapuwa Filipino.
Pinagmulan: NCCA Official |
No Comment to " Jawi "