Huramentado
Mula ito sa salitâng Espanyol na juramentar na nangangahulugang taong nanumpa. Sa ilang henerasyong pagtatanggol sa kanilang lupain laban sa pananakop ng mga Espanyol, nagkaroon ng reputasyong notoryoso at mabagsik na mandirigma ang mga Moro.
Bagaman hindi kasing-unlad ng kalaban ang kanilang kagamitang pandigma, ginagamit nila ang kanilang talino, tapang, at taktika sa paglusob sa depensa ng kalaban. Isang uri ng asimetrikong pakikidigma na ito ang huramentado.
May ulat na unang ginamit ni Jose Malcampo ang naturang salitâ hábang namumunò ng pananakop ng mga Espanyol sa Jolo noong 1876. Noong panahon ng Digmaang Espanyol-Amerikano, pinag-uusapan sa Amerika ang mga huramentado.
Noong 1903, ibinalita ni Komander Leonard Wood kay Gobernador William Howard Taft na madalas ang pag-atake sa mga sundalong Amerikano sa pamamagitan ng huramentado.
Tinatawag na mag-sabil ang kandidato sa pagkahuramentado at pinipilì mula sa mga kabataang Muslim na napukaw ang damdamin hinggil sa pagiging martir ayon sa turo ng mga Imam.
Kinokonsulta muna ang mga magulang bago payagan ng sultan ang mga kabataang lalaki na sumailalim sa pagsasanay at paghahanda para sa parang-sabil o daan tungo sa Paraiso.
Matapos manumpa sa Koran, nagkakaroon ng ritwal na pagligo ang kandidato at pag-ahit sa lahat ng buhok sa katawan. Binabalot ng benda ang kaniyang baywang, ari, sakong, bukong-bukong, hita, galang-galangan, siko, at balikat na pumipigil sa pagdaloy ng dugo upang maiwasan ang pagkaubos ng kanilang dugo sakaling mapinsala habang isinasagawa ang kanilang tungkulin.
Hinuhugasan ang katawan ng namatay na mag-sabil at ibinabalot sa telang putî bago ilibing. Kapag nabuhay ang mag-sabil matapos maging huramentado, pinaniniwalaang aakyat sa Paraiso ang kaniyang katawan matapos ang 40 taon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Huramentado "